BAWAT tao’y may kani-kanyang pananaw sa Pasko anuman ang kalagayan sa buhay, lipunan, pamahalaan, pamayanan, relihiyon at iba pang sektor na kinabibilangan. May nagsasabing ang Pasko ay panahon ng pagkakawanggawa, pagbibigayan.

Sa pagdiriwang ng Pasko na nagpapahalaga sa pagsilang ng Dakilang Mananakop, nalalantad at lumulutang ang kahanga-hangang katangian nating mga Pilipino; malalim na pananampalataya, pag-asa, pag-ibig, malasakit at kakayahang magpatawad.

Sa Rizal, si Rev. Fr. Roy B. Crucero, Kura Paroko ng Saint Clement Parish sa Angono, Rizal ay nagpahayag ng kanyang pananaw sa Pasko. “Merry Christmas, Happy New Year”. Ganyan ang batian sa kapanahunang puno ng saya, sigla at higit sa lahat, panahong nagpapaalala na ang mundo ay tumanggap ng malaking biyaya dahil sa pagsilang ng Dakilang Manunubos. At kahit hindi pa sumasapit ang pagwawakas ng taong 2016, walang-sawa ang mga tao sa pagbabatian.

Hindi masama ang bumati upang maging masaya ang Pasko at maiparamdam ang tunay na diwa nito sa pamamagitan ng pagbibigayan at pagpapatawad. Higit sa lahat, nawa ang tunay na maghari ay si Hesukristo na nagpahayag na ang Kanyang pagdating ay ang paghahari ng kapayapaan sa mundo at sa puso ng bawat isa.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Panawagan pa ni Rev. Fr. Roy, panatilihin natin ang kapayapaan sa puso, sa ating pakikitungo sa kapwa at sa bawat aspeto ng ating buhay dahil iyon lamang ang palatandaan na tunay ngang nag-Pasko ang tao. Ang Pasko sa mundo’y tunay na dumating si Hesus sa piling natin. At nawa ang tunay na diwa nito ay manatili sa buong taon, simula hanggang sa wakas, upang tunay ngang madama na si Hesus ay Emmanuel, Diyos na nasa ating piling.

Sa kabatiran ng marami nating kababayan, lalo na sa Rizal at Diocese ng Antipolo, si Rev. Fr. Roy ay isa sa mga parish priest na masipag, matalino, matapat at maaasahan. Tunay na alagad ng Diyos at ng Simbahan. Masasabing worker sapagkat sa mga parokya na kanyang pinangasiwaan, nagawa niyang mapalalim ang pananampalataya ng mga parishioner.

Nagkakaroon ng mga pagbabago; naipagawa ang mga dapat ayusin sa Simbahan sa suporta at tulong ng mga parishioner at ibang may puso sa pagtulong. Napasigla ang mga religious organization. Ang mga tradisyon at kultura ng mga mamamayan ay iginagalang at sinusuportahan upang... lalong tumibay ang pagpapahalaga at pagbibigay-buhay.

Sa Saint Clement Parish, sa tatlong taong paglilingkod ni Rev. Fr. Roy, lantay na halimbawa sa kanyang pagsisikap ang pagkakaroon ng Retablo ng parokya. Napalitan ng mga bagong upuan, nagkaroon ng choir loft o lugar para sa mga mang-aawit sa simbahan, naging mas maayos ang opisina ng parokya. Nagkaroon ng adoration chapel. At higit sa lahat, naipagawa ang bagong kumbento ng parokya. (Clemen Bautista)