CONCEPCION, Tarlac - Sinisiyasat ngayon ng mga pulis ang isinuplong ng isang driver, na hinarang ang minamanehong Isuzu Elf truck sa Barangay San Pablo, San Simon, Pampanga bago siya nakagapos na itinapon ng mga suspek sa bayang ito, tangay ang sasakyan, nitong Sabado ng gabi.

Ayon kay Marciano Cudia, 51, driver ng truck (RMH-20203), at taga-Bgy. San Carlos, San Luis, Pampanga, binabaybay niya ang Bgy. San Pablo nang bigla umano siyang harangin ng apat na armado na sakay sa puting Toyota Hi-Ace van.

Sinabi ni Cudia na puwersahan umanong kinuha ng mga suspek ang P335,000 cash sa compartment ng behikulo at pagkatapos ay ginapos ng packaging tape ang kanyang mga kamay, isinakay siya sa truck, bago itinapon sa Concepcion, Tarlac.

Hinahanap pa ng mga awtoridad ang Elf truck hanggang ngayon. (Leandro Alborote)

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20