GRABE, tadtad pala ng kissing scene sina Jericho Rosales at Eugene Domingo sa pelikulang Ang Babae Sa Septic Tank 2: #ForeverIsNotEnough na mukhang ini-enjoy naman ng aktres.
Kung dati ay medyo asiwa ang aktor sa mga kissing scene dahil nga sa relihiyon niya, todo bigay na siya ngayon. At least hindi na katulad dati na maraming bawal-bawal kay Echo.
“Nandoon siya,” sabi tuloy ni Uge, “punumpuno ng (pag-ibig), parang may magic ang pangalan ko doon, Rodrigo (Jericho)... si Rodrigo at si Cecilia (Uge) parang Mexicano na passionate na parang Espanyol na ewan!”
“Wala, walang ilang factor! Bigay-todo ang eksena!” hirit naman ng aktor.
Hagikgikan ang lahat ng mga dumalo sa advance screening ng Ang Babae sa Septik Tank 2 #ForeverIsNotEnough sa Gateway Cinema 4 noong Biyernes ng hapon dahil sa intimate scenes nina Uge at Echo.
Sabi nila, kapag sequel ay mahirap pantayan ang nauna, pero dito sa Septic Tank 2, lumebel naman o lumampas pa sa una.
Gusto naming masorpresa ang manonod ng Septik Tank 2 kaya hindi namin ikukuwento ang ilang eksena katulad ng ending dahil talagang hahagalpak ang lahat sa katatawa. Kaya pala nagkasakit nang husto si Uge habang ginagawa ito dahil talagang napakanatural ng pagkakakuhang sobra siyang binalahura sa pelikula. ‘Buti napapayag siya.
Sa mga eksena ni Joel Torre, na seryosong aktor, ay matatawa kayo. Kahit hindi siya nagpapatawa, matatawa ka sa mga pinagsasabi niya. Panalo ang script ni Chris Martinez.
Maraming beses na naming napanood si Kean Cipriano sa mga serye, sitcom, at pelikula, pero sa Septic Tank 2 lang namin siya nagustuhan. Puwede pala siyang dramatic actor. Saan kaya siya humuhugot, e, happy naman ang married life nila ni Chynna Ortaleza na sobrang supportive sa kanya at sa lahat ng events ay sinasamahan siya.
Komedyana talaga si Cai Cortez na kahit ang laki sa screen ay hindi masagwang tingnan at si Khalil Ramos na bilang lang sa daliri ang dialogue ay okay rin.
Bigla naming na-miss si JM de Guzman na producer sa unang Septic Tank dahil ang ganda ng tandem nila ni Kean.
Natuwa rin kami kay Bb. Joyce Bernal na kahit hectic ang schedule ay nagawang isingit ang kanyang cameo role sa Septic Tank 2 bilang bagong direktor ni Uge dahil nga iniwan na sila ni Kean na may pinagdadaanan sa kuwento.
In fairness, aliw at hindi kababawan Ang Babae sa Septik Tank 2: #ForeverIsNotEnough na idinirek ni Marlon Rivera na ibang-iba sa Enteng Kabisote 10.
Handog ito ng Quantum Films na nagbigay sa festival moviegoers ng mga blockbuster hits na English Only Please at #Walang Forever at co-producer ang Tuko Films, MJM Films at Buchi Boy Entertainment. (REGGEE BONOAN)