IKA-18 ngayon ng Disyembre at kaninang 4:00 ng madaling araw, natapos na ang ikatlong araw ng Simbang Gabi.
Palibhasa’y araw ng Linggo at huling Linggo ng Adbiyento, maraming tao ang nagsimba at dumalo sa Misa de Gallo na tampok sa siyam na sunud-sunod na madaling araw.
May nagsasabi na ang Misa de Gallo ay ang christian equivalent o katumbas ng dating ‘Harvest Festival’ ng mga pre-Hispanic Filipino. Nag-aalay sila ng bahagi ng kanilang ani sa itinuturing nilang “Diyos ng Pag-aani” at sa mga espiritu sa bukid na may kinalaman sa masaganang ani. Ngunit sa ginawang “inculturation” o pagbabago ng kultura ng mga misyonerong Kastila, ang Misa de Galllo ay naging isang paraan ng pagtuturo sa mga sinaunang Pilipino ng ilang gawain ng pagpapasalamat sa isang mapagpalang Panginoon.
Ang Simbang Gabi ay bahagi na ng iba’t ibang kaugalian. Tulad sa Angono, Rizal, 2:30 pa lamang ng madaling araw, may banda na ng musiko na lumilibot sa bayan upang gumising sa mga tao at makapaghanda sa pagdalo sa Misa de Gallo.
Mga tugtuging pamasko sa tiyempo ng martsa ang tinutugtog ng banda ng musiko.
Ayon naman sa paniniwala ng maraming Kristiyanong Katoliko, ang Simbang Gabi ay kumakatawan sa pagsasagawa ng “religious piety” o mga kabanalan tulad ng pagbangon nang maaga upang magsimba. Napupuno ang mga upuan sa simbahan sa loob ng siyam na madaling araw. May naniniwala naman na ang pagdalo sa Misa de Gallo sa loob ng siyam na madaling araw ay may “moral cleansing effect” o ginhawa at masiglang pakiramdam. May kahulugang pangkultura naman at pangrelihiyon para sa iba nating kababayan. Humihiling naman ang iba na matupad ang kanilang wish sa pagdalo sa Simbang Gabi.
Sa mga dalaga at binata, ang Simbang Gabi ay isang magandang pagkakataon na masabayan ang kanilang nililigawan at kasintahan sa pagsisimba. Sa isang text message, alam na agad na kung saan sila magkikita upang magsabay sa pagpunta sa Simbahan. Makakaporma at maibubulong ang kanilang inihahandog na pag-ibig. Kung minsan, ang pagdalo sa Misa de Gallo, nagaganap ang kanilang pagtatanan lalo na kung hindi na mapigil ang panggigil sa bawat isa sapagkat parehong alipin ng pag-ibig at pagnanasa.
May nagsasabi naman na ang matapat na pakikinig at pagdalo sa Misa de Gallo ay may iba’t ibang kahulugan. May hinihinging biyaya, may nagpapasalamat naman sa mga natanggap na biyaya sa loob ng isang taon. Sa pagkakaligtas sa isang sakuna at paggaling mula sa pagkakasakit. Naghahanap ng ginhawa at tulong sa panahon ng kagipitan.
Isang natatanging tradisyong Pilipino ang Simbang Gabi.
Ang diwa at kahulugan ng Simbang Gabi ay dapat isabuhay at magliwanag sa puso at isip ng bawat Pilipino.
(Clemen Bautista)