Ilang tama ng saksak ang bumaon sa katawan ng isang lalaki matapos pagsasaksakin ng kanyang pinsan na kanyang nakabiruan sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Nagawa pang maisugod sa Ospital ng Tondo si Eddie Boy Santos, 50, binata, ng Delpan Street, Binondo, Maynila, ngunit patay na ito.
Samantala, hawak na ng mga awtoridad ang suspek na si Leo Pitiquen, 41, binata, miyembro ng “Commando” gang, at residente ng 3081 Hermosa St., Tondo, Maynila.
Sa pagsisiyasat ni SPO2 Charles John Duran, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 11:45 ng gabi nangyari ang pananaksak sa loob ng bahay ng suspek.
Nauna rito, bumisita umano si Santos sa bahay ni Pitiquen at pinilit itong matulog upang makapagpahinga dahil kulang na kulang sa tulog.
Ngunit tumanggi at nagmatigas ang suspek sanhi upang biruin ito ng biktima at sinabing sasaktan niya ito kapag hindi pa rin natulog.
Lingid sa kaalaman ni Santos na minasama ni Pitiquen ang kanyang biro at bumunot ng patalim saka pinagsasaksak sa katawan.
Nagawa pa umanong makalabas ng bahay ni Santos at naisugod pa sa pagamutan ngunit nasawi rin.
Kasong murder ang isasampa laban sa suspek. (Mary Ann Santiago)