SANTIAGO CITY, Isabela – Nasawi ang alkalde ng Palanan, Isabela habang tatlong kasamahan niya ang nasugatan makaraang bumulusok sa bangin at bumaligtad ang sinasakyan nilang Toyota Fortuner sa national highway sa Purok 6, Barangay Sinsayon sa lungsod na ito.

Kaagad na ipinag-utos ni Santiago City Police Office Chief, Supt. Percival Rumbaoa ang masusing imbestigasyon sa aksidenteng pumatay kay Palanan Mayor Rodolfo Bernardo.

Sugatan sa aksidente sina Rhomel Donato Alvarez, 34, driver, ng Woodcrest Subdivision, Cauayan City; Engr. Melito Casasola, Jr., 39, municipal planning development coordinator (MPDC) ng Palanan at taga-Bgy. Centro West; at Emerson Q. Velarde, MPDC ng Divilacan at taga-Bgy. Dimapula.

Sa panayam kay PO2 Gedeon Valerozo, sinabi niya sa Balita na dakong 11:00 ng gabi nitong Huwebes nang maaksidente ang puting Toyota Fortuner (ZTY-898) na sinasakyan ng mga biktima at nakarehistro kay Marites G. Montemayor, ng San Fermin, Cauayan City.

Probinsya

Nasa 4,000 mga labi, apektado ng konstruksyon sa isang sementeryo sa Cebu

Ayon sa pagsisiyasat ni PO2 Valerozo, galing ang grupo ng alkalde sa Metro Manila para dumalo sa meeting at magkakasamang bumalik sa Isabela.

Tumama ang gulong ng Fortuner sa malaking butas hanggang sa bumali-baligtad nang 15 metro bago bumulusok sa bangin sa gilid ng highway, ayon kay PO2 Valerozo.

Sinisisi sa aksidente ang kawalan ng signages sa lugar ng aksidente, partikular ang kawalan ng reflectorized light.

Negatibo naman sa alak ang driver na si Alvarez. (LIEZLE BASA IÑIGO)