TUGUEGARAO CITY - Nanginig sa takot ang isang opisyal at ilang empleyado ng Department of Public Works ang Highways (DPWH)-Region 2 matapos umanong pagmumurahin, suntukin at tutukan ni dating Cagayan Gov. Alvaro “Bong” Antonio ang una, nitong Huwebes ng hapon.

Sa ulat na ipinarating sa Balita, bigla na lang umanong sumugod si Antonio sa tanggapan ni Nestor Marallag, administrative officer ng DPWH-Region 2, dakong 4:00 ng hapon.

Ayon sa report, sinuntok, pinagmumura at tinutukan umano ng baril ni Antonio si Marallag.

May balitang nakipag-agawan umano si Marallag sa Magnum .357 ng dating gobernador pero inawat umano siya ni Eulogio Agatep, dating alkalde ng Lasam, Cagayan, na kasamang dumating ni Antonio.

Probinsya

Lalaking kusa umanong tumalon sa kulungan ng buwaya, sinakmal!

Pinaniniwalaang ikinagalit ni Antonio ang pagkakadiskuwalipika sa bidding ng tinutulungan nitong contractor para sa isang P150-milyon proyekto sa bayan ng Alcala.

Nagbigay na ng kanyang pormal na salaysay sa pulisya si Marallag, habang bigo naman ang Balita na makuhanan ng komento si Antonio. (Liezle Basa Iñigo)