Sa sariling bahay binaril at pinatay ang isang lalaki ng tatlong hindi pa nakikilalang armado sa Pateros, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Pateros Police chief Senior Supt. Joel Villanueva ang biktima na si Ederbirth Ponce y Flores, 49, ng No.13A S. Castillo Street, Barangay Magtanggol ng nasabing munisipalidad.
Inaalam pa ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek na pawang nakasuot ng bonnet at helmet at mabilis nagsitakas sakay sa mga motorsiklong walang plaka.
Sa inisyal na ulat ni PO2 Michael Joemar Balas, imbestigador, dakong 2:00 ng madaling araw nangyari ang insidente sa mismong bahay ni Ponce.
Himbing na himbing na ang biktima nang pasukin sa bahay ng tatlong armado at malapitang pinagbabaril.
Ayon kay Villanueva, kilala umano ang biktima sa pagtutulak ng ilegal na droga at kabilang din umano sa drug watch list ng pulisya. (Bella Gamotea)