Hindi umano sumipot sina dating Anakalusugan Rep. Mike Defensor at Atty. Ferdinand Topacio sa ikinasang pagtitipon ng White Ribbon Movement sa EDSA People Power Monument ayon kay Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Chairperson Teddy Casiño.
Matatandaang sa isang Facebook post kamakailan, inihayag ni Defensor ang balak niyang pagdalo sa naturang pagtitipon. Samantala, binalaan naman ni Topacio na paiiyakin umano niya si Casiño sakaling harangin siya nito sa EDSA People Power Monument.
Maki-Balita: Casiño sa planong pagdalo ni Defensor sa White Ribbon March: 'Wag masyadong epal!'
Ngunit sa eksklusibong panayam ng Balita nitong Linggo, Hunyo 28, kinumpirma ni Casiño na wala siyang namataang presensya ng dalawa matapos siyang tanungin tungkol dito.
Aniya, “Hinintay ko nga, e. Hindi lang si Mike Defensor [kundi pati] si Ferdinand Topacio kasi paiiyakin niya raw ako. Pero wala pa. “
“Actually, tingin ko, maganda nga kung um-attend at makinig sila sa program para matauhan sila,” dugtong pa ni Casiño.
Samantala, ayon kay Casiño, halos wala umanong pinagkaiba ang White Ribbon Movement sa mga nauna nang pagkilos kontra korupsiyon.
“Sa esensya, wala namang malaking pinagkaiba. Because we are talking about the same issues. Kahirapan, korupsiyon, kawalang pananagutan,” anang BAYAN chaiperson.
Dagdag pa niya, “Pagpapakita lang ito na mula last year marami pang hindi nagagawa ang gobyerno para wakasan ang kahirapan, ang korupsiyon, at kawalang pananagutan.”
Kaya naman kinakailangan umanong ipagpatuloy ang pagbabantay at pagkilos dahil kung hindi mapupunta sa wala ang mga nasimulan noong nakaraang taon.
Kung babalikan, nagsimula ang serye ng mga pagkilos noong Setyembre 2025 dahil sa pagputok ng maanomalyang flood control projects.
Kaugnay na Balita: ‘White Ribbon Movement,’ ikakasa ng iba’t ibang religious groups sa Hunyo 28