Nakatakdang ganapin sa EDSA People Power Monument ang malawakang kilos-protesta na “White Ribbon March” sa darating na Linggo, Hunyo 28, laban sa laganap na korapsyon at political dynasty sa bansa.
Inanunsyo ng Inter-Religious Leaders Council for National Transformation (IRLCNT) at White Ribbon Movement (WRM) sa media nitong Biyernes, Hunyo 19, na layon ng gaganaping kilos-protesta na ipananawagan sa pamahalaan na panagutin ang mga indibidwal na sangkot at mayroong kaugnayan sa mga katiwalian.
“We emphasize na ang rally na ito ay faith-based and a product of a communal discernment by the council, formed through prayer and a shared responsibility before God,” ani Bishop Jose Colin Bagaforo.
“Itong rally na ito is to remind, once again, that the Filipinos, tayong lahat, deserves a better future. And we believe that [a] better future is achieved through better politics – politics that serves the people’s interest, protects human dignity, and is guided by justice rather than greed,” dagdag pa ni Bagaforo.
Hinggil naman sa detalye ng White Ribbon March, nakatakdang magsimula ang pagmamartsa ng 12:00 ng tanghali, at inaasahang makakarating sa EDSA People Power Monument ng 1:30 o 2:00 ng hapon.
Saad ni Bagaforo, ang White Ribbon March ay magsisilbi ring pagpapatuloy ng mga nasimulan na nilang malawakang kilos-protesta tulad Trillion Peso March, na dinaluhan ng libo-libong demonstrador mula sa iba’t ibang parte ng bansa.
“We invite all religious organizations, civil societies organizations, non-government organizations, educational associations, farm workers, fisherfolks, [at] laborers natin, to join and rally with us, kasama ang ating mga dasal,” panawagan ni Bagaforo sa iba’t ibang sektor at grupo.