Tinalakan ni Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Chairperson Teddy Casiño si dating Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor matapos nitong ihayag ang binabalak na pagdalo sa ikakasang White Ribbon March sa EDSA People Power Monument sa Hunyo 28.
Sa X post ni Casiño nitong Sabado, Hunyo 27, sinabihan niya si Defensor na hindi umano sasantuhin sa naturang rally ang kakampi nitong mga Duterte.
“Mike,” sabi ni Casiño, “ang panawagan ng rali ay ‘lahat ng sangkot, dapat managot.’ Totoong sisingilin ng mga tao doon si BBM, Martin at iba pang sangkot sa flood control scam, pero HINDI SASANTUHIN NG MGA TAO DOON YUNG KAKAMPI MONG MGA DUTERTE.”
“In fact, kabilang sa mga panawagan doon ay litisin at panagutin si Sara dahil sa kanyang impeachable acts,” dugtong pa niya.
Kaya naman pinaalalahanan ng BAYAN chairperson si Defensor na kung seryosong makikiisa ang dating kongresista sa White Ribbon March ay makinig sana nang taimtim sa mensahe ng mga tagapagsalita.
Dagdag pa ni Casiño, “Huwag kang magtaka o magalit kung i-boo ka ng mga tao dahil ang mga tulad mong alipores ng mga korap ay sinusuka na ng madla.”
Matatandaang Hunyo 19 nang ianunsiyo ng Inter-Religious Leaders Council for National Transformation (IRLCNT) at White Ribbon Movement (WRM) sa media ang nakatakda nilang pagkilos.
Ayon kay Bishop Jose Colin Bagaforo, ang White Ribbon March ay pagpapatuloy umano ng kanilang nasimulang Trillion Peso March, na dinaluhan ng libo-libong demonstrador mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan.
Maki-Balita: ‘White Ribbon Movement,’ ikakasa ng iba’t ibang religious groups sa Hunyo 28