PAGKARAAN ng maraming taon ay may pelikula uli si Nora Aunor na kasali sa Metro Manila Film Festival (MMFF), ang Kabisera.
Ang naging pangunahing batayan sa pagpili ng mga kalahok ngayong taon ay ang pagiging makabuluhan ng pelikula, kaya hindi na kataka-taka na pawang indie projects or independently produced ang nakapasa at pumasok.
Ang Kabisera ay nakasentro sa pamilya, isang paksang malapit sa puso ng mga Pinoy. Binibigyan diin sa naturang pelikula ang kahalagahan ng dangal, pagtitiwala, at katapatan sa bawat miyembro ng pamilya.
Sa madaling salita, tinatalakay sa istorya ng Kabisera ang Filipino values and tradisyon na ating kinamulatan.
Ayon kay Direk Real Florido, bukod tanging si Nora Aunor, ang binansagang Grand Dame of Asian Cinema, ang choice para gumanap sa role ng isang inang gagawin ang lahat para maipagtanggol at huwag masira ang kanyang pamilya.
Suportado ang superstar ng mga batikang artista na sina Ricky Davao, JC de Vera, Jason Abalos, Victor Neri at Perla Bautista. May mahalagang papel din ang kapatid ni Coco Martin na si Ronwaldo Martin.
Paborito ng indie filmmakers si Nora Aunor at kaayon sa layuning gumawa ng pelikulang not purely for entertainment.
Pero ayon sa kanyang director ngayon, mainstream ang atake nila sa Kabisera na inabot ng isang taon ang paggawa.
Pawang mahuhusay ang mga taong nasa likod ng produksiyong ito.
Hangad namin na ang mga taong mag-aabang sa mga dadaanan para masulyapan ang nag-iisang superstar sa Parade of the Stars ay muling pumila sa mga sinehan when it opens on Christmas Day. (REMY UMEREZ)