Pinaalalahanan ng isa sa mga opisyal ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga mananampalataya na panatilihing sagrado ang Misa de Gallo at pinayuhan ang kabataan na iwasan ang “simbang ligawan”.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity (ECL), ang mga pagdiriwang sa Simbahan, gaya ng Simbang Gabi, ang nagpapalalim sa pananampalataya ng mga Pilipino.
Aniya, dapat na maging bukal sa puso ng mga mananampalataya ang pagdalo sa Misa de Gallo.
“Magsisimula na po tayo ng Simbang Gabi, ‘yan po ay magandang tradisyon para sa ating mga Pilipino, na siyam na araw na pagsisimba at pagdarasal para sa paghahanda natin sa Pasko... sana po panatilihin natin ‘yan, kasi ‘yan po ay nagpapatatag ng ating pananampalataya,” pahayag ni Pabillo sa isang panayam sa Radio Veritas.
“Sana tayo ay magsimba upang tayo ay magparangal sa Diyos upang makinig sa Kanyang salita at makiisa sa Kanya, hindi lang dahil sa kasama natin ang ating kabarkada at kakilala,” dagdag pa ng Obispo. (Mary Ann Santiago)