BUKOD sa hindi pumabor sa pamilya Revilla ang inilabas na desisyon ng Supreme Court hinggil sa apela nilang makapagpiyansa si Sen. Bong Revilla ay hindi rin masaya ang pamilya nina Bacoor Mayor Lani Mercado-Revilla dahil kasalukuyang nasa ICU ang ama nilang si dating Sen. Ramon Revilla, Sr. na 89 years old na ngayon.
Ito ang inamin ni Mayor Lani nang dalawin namin siya sa kanyang opisina sa Bacoor City Hall nitong Lunes.
“Medyo malungkot din kami ngayon kasi si Daddy, eh, nasa hospital, di ko lang ibinalita kanina sa flag ceremony. Kaya wala rin ngayon si Konsehala Rowena (Revilla) dahil d’yan at saka nasabay din sa Christmas party ng Sanggunian,” kuwento ni Mayor Lani.
Bagamat may mga problema ngayon ang kanilang pamilya, agad binanggit ni Lani na hindi siya dapat mawalan ng tiwala sa Diyos.
“Kumukuha ako ng lakas ngayon, unang-una, sa Panginoon siyempre. Sa paghugot ng lakas, eh, andiyan ang pamilya ko at ang mga constituents ko dito sa Bacoor. Makita ko lang silang masaya, eh, ‘yun ang dahilan kung bakit patuloy akong nagtatrabaho para sa kanila.
“Pasalamat din tayo dahil marami ang nagmamahal sa amin at sa buong lalawigan ng Cavite. Siyempre, si Vice Gov. Jolo (Revilla), eh, siya pa rin naman ang vice governor for the past two elections,” banggit ni Lani.
Aniya pa, hindi pa rin naman nagbabago ang buong Cavite sa pagmamahal sa Revilla clan.
“Naniniwala pa rin naman tayo na marami pa rin naman ang nagmamahal kay Senator Bong sa buong Pilipinas,” banggit ng magandang actress turned politician.
Ikinuwento rin ni Mayor Lani na labis na ikinalungkot ni Senator Bong ang paglabas ng desisyon ng Supreme Court na sinasabing tuloy pa rin ang kaso laban dito.
“Siyempre, talagang nalungkot siya nang husto pero mas lalo siyang nalungkot nang malaman niyang isinugod sa hospital ang father-in-law ko,” aniya.
Lahad pa ni Mayor Lani, pangatlong taon na ng asawa niya sa loob ng kulungan. Kaya ang hangad niya, sana raw sa susunod na Pasko ay magkasama-sama na silang lahat sa mismong bahay nila.
Wala raw namang magagawa si Mayor Lani kundi respetuhin ang anumang desisyon ng Supreme Court. Wala siyang maaaring sabihin tungkol sa iba pang detalye ng kaso ng hubby niya.
“So far ngayon, eh, nagpalit na kami ng abogado. Si Atty. Mon Esguerra ang abogado namin ngayon na dating assistant secretary ng DOJ. Hanggang doon na lang muna,” banggit pa niya.
Halos araw-araw ay may dumadalaw kay Bong mula sa kanilang pamilya.
“Maraming pumupunta sa kanya hindi lang mga pamilya kundi mga kaibigan namin. Kaya nga napatunayan namin ngayon ang mga tunay naming kaibigan.
“And one more thing nice dahil magkasama silang dalawa ni Senator Jinggoy (Estrada) kaya nag-aalalayan din silang dalawa, kasi mahirap naman kung nag-iisa lang siya roon,” sambit ng actress/politician.
Kuwento pa ni Lani, medyo nakaramdam sila ng pangamba nang makarating sa kanila ang balita na doon din ikukulong si Kerwin Espinosa.
“‘Buti naman hindi natuloy. Pero mas hinigpitan siya. May certain restrictions. Kaya nahirapan siya ngayon, request nga namin na sana ibalik sa dati na p’wede siyang mag-exercise dahil kailangan ‘yun ng katawan niya.
“Kumbaga, hinahanap ng katawan niya ang ehersisyo. Kasi may migraine siya, he needs fresh air naman,” sey ni Ms. Lani.
Nami-miss ni Bong ang taping ng TV shows at paggawa ng pelikula lalung-lalo na ‘yung taun-taong pagkakaroon niya ng entry sa MMFF.
“Nami-miss niya talaga ang Metro Manila Film Festival, lalo na ngayon na malungkot ang festival, ay, bakit ko ba nasabi ‘yun?” biglang bawing banggit amin ni Ms. Lani.
“Well, nalungkot ako dahil walang pelikulang pambata. Kumbaga, PG 13 lang yata ang pinakababa. So, feeling ko ang mamayagpag sa Pasko, eh, ‘yung mga amusement parks. Kasi ngayong Pasko, eh, really... for children ‘yan,” sey pa ni Mayor Lani. (JIMI ESCALA)