MANGALDAN, Pangasinan - Isang pulis na nag-AWOL (absent without official leave) at pinaniniwalaang miyembro rin ng gun-for-hire at robbery syndicates ang napatay sa buy-bust operation na nauwi sa engkuwentro, kahapon.

Ayon kay Supt. Jeff Fanged, hepe ng Mangaldan Police, ang nasawi ay si PO1 Donald Sanchez, dating nakatalaga sa Sto. Tomas Police sa Pangasinan, at residente ng San Carlos City. Ikalawa si Sanchez sa high-valued target drug personality sa Pangasinan. Sinasabing si Sanchez ay miyembro ng isang gun-for-hire syndicate sa Pangasinan at Nueva Ecija, at sangkot din umano sa serye ng robbery hold-up sa mga gasolinahan sa ikatlong distrito ng Pangasinan.

Dakong 12:20 ng umaga kahapon nang mangyari ang engkuwentro sa boundary ng Barangay David sa Mangaldan at Bgy. Nilombot sa Mapandan, sa pagitan ng suspek at ng mga operatiba ng Mangaldan Police at Mapandan Police.

Agad umanong nagpaputok ng baril si Sanchez makaraang makatunog na mga pulis ang kanyang katransaksiyon.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Tinamaan ang suspek at agad na isinugod sa Mapandan Community Hospital, ngunit binawian din ng buhay.

Nakarekober naman ang mga operatiba sa crime scene ng isang .45 caliber pistol, apat na basyo ng .9mm, dalawang fired cartridge case para sa .45 caliber, apat na bala ng .45, isang Rusi motorcycle, isang itim na mask, Samsung cell phone, government ID at limang transparent plastic sachet na may hinihinalang shabu. (Liezle Basa Iñigo)