HINIHIMOK ng lokal na pamahalaan ng Palompon, Leyte, kilala bilang kampeon ng turismo sa Region 8, ang mga bayan at lungsod sa lalawigan na huwag lamang pagtuunan ang mga benepisyong dulot ng mga dayuhang turista na bumibisita sa probinsiya, kundi maging kung ano ang pakinabang na dulot ng mga lokal na turista.
Inihayag ni Palompon Mayor Ramon Oñate na para magtagumpay ang mga aktibidad na pangturismo, dapat na agresibong maitaguyod ang pagsusulong ng mga destinasyon sa mga lokal na turista dahil sila ang mas aktibo kaysa iba.
“Before, we don’t hear our parents convincing their children to go out for family bonding, but now parents are asking their children to do it. These are the people that we need to convince to visit our local tourist destinations,” dagdag ni Oñate.
Sa hilagang-kanlurang bahagi pa lang ng Leyte, ibinahagi ni Oñate na mayroong higit 800,000 na potensyal na mga turista na maaaring imbitahan na bisitahin ang mga lokal na destinasyon, tulad ng Kalanggaman Island ng bayan.
Kinilala ng Association of Tourism Officers of the Philippines ang Palompon bilang Hall of Fame awardee para sa best tourism-oriented town.
Kilala ang bayan dahil sa Kalanggaman Island, tourist destination sa probinsya na popular sa mga turista dahil sa malinaw na tubig at sand bar nito.
Nakalikom ang Palompon ng mahigit P14 milyon mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon mula sa entrance fees sa Kalanggaman Island. Halos dumoble ang kinita nito kumpara sa P8 milyon noong 2015.
Kamakailan, binuksan din ng lokal na pamahalaan sa mga turista ang Liberty Eco-Terrestrial Adventure Park, na magsisilbing alternatibong destinasyon.
Gayunman, sinabi ni Oñate na kahit isinusulong nila ang Palompon, naninindigan ang mga residente na hindi nila hahayaan na may malalaking establisimyento na magtagumpay at makapasok sa kanilang bayan.
“We want to maintain and project our town as an eco-friendly tourism area,” sabi ni Oñate. (PNA)