KAHAPON, sa isang pagkakataong walang katapusan, muli kong naranasan ang hindi nagbabagong pagbigat ng kalbaryo na pinapasan ng mga motorista at pasahero. Hindi lamang sa Edsa kundi sa halos lahat ng pangunahing lansangan sa Metro Manila.

Nakabibingi ang mga pagpapaliwanag at pangangatwiran ng mga may obligasyon sa paglutas ng nakapepesteng problema sa trapiko, subalit hindi ko maramdaman ang ipinangangalandakan nilang pagluwag ng daloy ng mga sasakyan. Laging nakakintal sa aking kamalayan ang minsang sinabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez: Natutulog sa pansitan ang mga tauhan ng Department of Transportation (DoTr).

Kaakibat ng hindi nagbabagong sitwasyon ng trapiko, lagi namang humihingi ng pang-unawa ang pamunuan ng Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT); inaamin nila na hindi maiiwasan ang pagsisikip ng trapiko, lalo na ngayong holiday season. Kauna-unawa ang ganitong pakiusap. Mabuti na lamang at hindi nila tinularan ang pahayag ng nakaraang administrasyon: Pasensiya na kayo... hindi naman nakamamatay ang trapiko. Subalit hindi ba biglang tumataas ang blood pressure ng mga naiipit sa trapiko at maaaring maging dahilan ng heart attack?

Nailatag na yatang lahat ang mga estratehiya sa paglutas ng nakapanggagalaiting problema sa trapiko. Daan-daang tauhan ng Highway Patrol Group (HPG) ang itinalaga ng DoTr sa Edsa ngunit wala akong nakitang mga pagbabago hanggang sa pagdesisyunang alisin doon ang naturang mga alagad ng batas. Maging ang MMDA ay nagpakilos din ng daan-daang traffic enforcer subalit tila lalo yatang naging usad-pagong ang mga sasakyan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

May mga planong buksan sa mga motorista ang ilang pribadong subdivision, maging ang Camp Aguinaldo at Veterans Memorial and Medical Center (VMMC); sa mga ito papasok ang mga sasakyan kapag masikip na ang kalapit na mga lansangan, kabilang na ang Edsa. Sa aking obserbasyon, ang ganitong sistema ay lalong makapagpapasikip sa trapiko sapagkat magsisiksikan din doon ang mga motorista.

Sa bahaging ito, nais kong magbigay ng ‘ten cents worth’, wika nga na maaaring makapagpaluwag sa trapiko. Nakatutulig na ang mungkahing paglipol sa mga kolorum vehicle subalit ang totohanan o walang... itatanging pagpapatupad nito ang epektibong pampaluwag ng daloy ng mga sasakyan; makatutulong din ang totohanang pagdisiplina sa mga motorista at sa mismong mga traffic enforcer sa pamamagitan ng paglalapat ng mabigat ngunit angkop na parusa. Ang pag-aalis ng mga kolorum vehicle at mga lumang sasakyan ay makapagpapaluwag sa mga lansangan na hindi na maaaring palaparin.

Sa ganitong paraan, gagaan ang kalbaryong pinapasan ng mga mamamayan. (Celo Lagmay)