Makamit ang ikatlo nilang panalo para makapantay sa Globalport, defending champion San Miguel Beer at Rain or Shine ang pupuntiryahin ng Meralco sa tampok na laro ngayong gabi sa 2017 PBA Philippine Cup.

Nakatakdang makasagupa ng Bolts sa tampok na laban ganap na 7:00 ng gabi ang Alaska sa Smart Araneta Coliseum.

Magtutuos naman sa unang laro ganap na 4:15 ng hapon ang NLEX at Blackwater.

Makaraang mabigo sa kamay ng Blackwater sa una nilang laro, dalawang sunod na panalo ang ipinoste ng Bolts kontra NLEX at Talk N Text.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Sa panig ng Aces, target nilang masundan ang unang panalo na naitala kontra Globalport matapos mabigo sa unang dalawang laro.

Umaasa si coach Alex Compton na magtutuluy- tuloy na ang magandang laro ng Aces ngayong nakabalik na sina Calvin Abueva, Vic Manuel at Ping Exciminianon, ang una mula sa injury at ang dalawa mula sa suspensiyon.

Inaasahang magiging dikdikan ang salpukan ng dalawang koponang kapwa depensa ang ipinagmamalaking sandata sa laban.

Samantala, mag- uunahan namang makabalik sa winning track ang Road Warriors at Elite na parehas galing sa dalawang dikit na kabiguan, ang NLEX matapos maipanalo ang unang laban at ang Blackwater kasunod ng impresibong 2-0 start.

(Marivic Awitan)