KAHIT si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na pinakamataas na lider ng bansa, ay hindi libre sa saklaw at kapangyarihan ng batas. Nobody is above the law. Gayunman, nagulat ang taumbayan nang ihayag ni Mano Digong noong Disyembre 7 na hindi niya papayagang makulong ang mga opisyal at tauhan ng PNP Region 8 Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na akusado sa pagpatay kay Albuera (Leyte) Mayor Rolando Espinosa kahit sa findings ng NBI ay isang “rubout” at hindi “shootout” ang pagkamatay ng alkalde noong Nobyembre 5, ama ng drug lord na si Kerwin Espinosa.
Itinatanong ng mga mamamayan kung bakit nagkakaroon pa ng mga imbestigasyon sa pagkamatay ni Espinosa ang Senado, NBI, PNP Internal Affairs Service (IAS) kung sa dakong huli ay kakampihan ng pangulo ang bersiyon ng CIDG 8, na isang engkuwentro ang nangyari sa loob ng selda ng ama ni Kerwin? Ito raw ang dahilan marahil kung bakit matatapang, mararahas at walang patumangga sa pagsalakay, pagbaril at pagpatay ang mga pulis laban sa drug pushers, users at lords (ilan na ba ang naitumbang drug lords?) dahil kinukunsinti ni Mano Digong ang kanilang mga tiwaling gawain.
Parang nagiging paranoid na si President Rody bunsod ng sunud-sunod na rally ng mga estudyante, militante, at ordinaryong mamamayan laban sa kanyang administrasyon nang payagan niyang mailibing si ex-Pres. Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB). Sa banner story ng isang English broadsheet noong Disyembre 8, ganito ang nakasaad:
“Yellows, want me out, says Duterte”. Pinagbibintangan niya ang mga “Dilaw” (patungkol sa mga alyado ni ex-Pres. Noynoy Aquino) na nagpaplano umano na siya’y patalsikin upang ang pumalit ay si VP Leni Robredo.
Ang hindi marahil batid ni PRRD ay sawang-sawa na ang mga tao, kabilang ang 16.6 milyong botante na naghalal sa kanya, bunsod ng araw-araw na pagpatay ng mga pulis, vigilantes, riding-in-tandem at drug syndicates sa mga ordinaryong nakatsinelas na tulak at adik, pero parang inililigtas ang mga big-time drug lord, narco-politicians, narco-cops, gaya ng duda sa mga opisyal at tauhan ng CIDG Region 8 na nagsilbi ng search warrant laban kay Espinosa noong madaling araw ng Nobyembre 5.
Sa drug list ni Espinosa at ng anak na si Kerwin, kasama sa listahan ang mga suspek na pulis bilang protektor ng ilegal na droga sa Region 8. Nang i-relieve ni Gen. Bato sina Supt. Marvin Marcos at mga kasamang pulis, mismong si Mano Digong ang tumawag kay Bato sa pamamagitan ni trusted aide Bong Go upang ibalik sa puwesto ang mga ito.
Sa wakas, pagkatapos ng mahigit na dalawang taon, mukhang maibibigay na sa akin ang bago o kapalit na car plates na dalawang taon ko nang nabayaran. Baka raw nitong 2017, ay maibibigay na ang mga plaka na kung bakit naisipan pang palitan noong panahon ng PNoy administration gayong okey naman ang... dating plaka. Ginamit lang daw yata ng PNoy admin ang bayad sa new plates para sa eleksiyon noong 2016.
Ngayong si Du30 na ang pangulo ng bansa, dapat daw tuparin ang mga pangako noon tulad ng pagpapaluwag sa trapiko at pagkakaloob ng bagong mga plaka na kaytagal nabimbin sa panahon ni PNoy, na hindi malaman kung sinong “ulol” na mga opisyal ng PNoy admin ang nagpayo na maglabas ng mga bagong plaka na hindi naman pala maipagkakaloob sa tamang panahon! (Bert de Guzman)