Aminado si Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon na wala siyang tiwala kay Chairman Andres Bautista pagdating sa paghawak ng pondo ng poll body kaya kinukuwestiyon niya ang paghingi nito ng intelligence o confidential fund sa Kongreso para sa Comelec.
Paliwanag ni Guanzon, may history si Bautista na humihingi ng mga cash advance sa Comelec ngunit hindi naman umano maipaliwanag kung saan ito napunta.
Inihalimbawa niya ang pagkakataong humingi ng P1 milyon cash advance si Bautista para sa monitoring ng paghahain ng certificate of candidacy (CoC), na hanggang ngayon ay hindi umano nito nali-liquidate, bukod pa sa P2 milyon para sa voter care na wala pang report hanggang ngayon, ayon kay Guanzon.
Mariin naman itong pinabulaanan ni Bautista at sinabing na-liquidate naman na itong lahat.
“Hindi po totoo, na-liquidate na po lahat, baka po baligtad,” ani Bautista.
Ipinagtanggol din ni Bautista ang hinihingi nilang intelligence o confidential fund sa Kongreso, sinabing pangkaraniwan lamang ito dahil lahat ng ahensiya ng gobyerno ay humihingi nito bilang emergency fund.
Binigyang-diin ni Bautista na hindi ito magiging sanhi ng kurapsiyon dahil may mga alituntunin din naman, aniya, para sa naturang intelligence funds na hindi maaaring basta-basta gamitin. (Mary Ann Santiago)