Pinaalalahanan ng Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT) ang mga traffic enforcer na iwasan ang matagal na pakikipag-usap sa mga lumalabag sa batas trapiko upang hindi makadagdag sa pagsisikip ng trapiko ngayong Christmas rush.
Ayon kay I-ACT official Tim Orbos, na siya ring Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) officer-in-charge, itinuro na sa mga traffic enforcer ang tamang aksiyon sa mga lumabag na motorista.
“Up to one minute is a tolerable period for traffic enforcers to apprehend an erring motorist. Beyond that time-frame, it’s a no-no already,” ani Orbos.
Titiketan pa rin ang mga motoristang lalabag sa batas trapiko sa pamamagitan ng No Contact apprehension.
Nakipagpulong na umano si Orbos sa mga traffic district head kamakailan upang talakayin kung paano mapaluluwag ang trapiko ngayong holiday season.
Ipinatutupad din ng MMDA ang no day off, no absent policy sa hanay ng mga traffic enforcer simula Disyembre 21 hanggang 24. (Anna Liza Villas-Alavaren)