Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki na umano’y caretaker ng drug den na natuklasan sa ilalim ng isang bahay na nagsisilbi ring kapilya, sa buy-bust operation sa Pandacan, Maynila kamakalawa ng gabi. Arestado rin ang walong katao na umano’y nahuli sa aktong gumagamit ng ilegal na droga.

Ayon kay Police Supt. Emerey Abating, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 10, sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si Danilo Lanyohan, nasa hustong gulang, ng 1870 Guanzon Street, Pandacan, Maynila, gayundin ang kanyang umano’y mga parokyano na sina Abelardo Abolencia, Danilo Villar, Velmar Villara, Margarito Balbido, Gilbert Nacao, Ronelo Agulto, Marco Berba, at Benjamin Tajar.

Sinabi ni Abating na isinailalim muna nila sa dalawang linggong surveillance ang nasabing drug den na matatagpuan sa unang palapag ng bahay, habang nagsisilbing kapilya ang ikalawang palapag.

Nang makumpirmang may drug den sa lugar ay kaagad na itong sinalakay ng mga tauhan ng Station Anti Illegal Drugs (SAID) ng MPD-Station 10, dakong 8:00 ng gabi nitong Sabado.

National

Enrile, 'tinakot' OFWs na sasali sa protestang 'Zero Remittance Week'

Sa halagang P500, bumili ng shabu ang poseur buyer kay Lanyohan at nang maisagawa ang transaksiyon ay kaagad na siyang pinosasan, gayundin ang walo niyang kasamahan.

Modus operandi umano ni Lanyohan na hintayin muna ang pagluluto ng lechon de leche at peking duck, negosyo ng may-ari ng inuupahan niyang bahay, at saka isasagawa ang shabu session upang hindi maamoy ng mga kapitbahay.

Si Lanyohan, na nakumpiskahan umano ng 15 pakete ng shabu, ay minsan na umanong sumuko sa Oplan Tokhang at makailang beses na dumalo sa mga programa ng kanilang barangay para sa mga drug surrenderer. (MARY ANN SANTIAGO)