Natagpuang patay at tadtad ng bala sa katawan ang isang lalaki na itinuturong responsable sa pagbaril at pagpatay sa isang ginang na naghatid kamakailan ng dalawa niyang anak sa eskuwelahan, sa Port Area, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ni Police Supt. Romeo Desiderio, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 5, dakong 5:20 ng madaling araw nang madiskubre ang bangkay ng suspek na kinilala sa alyas na “Tara”, sa Vargas Compound, sakop ng Barangay 650, Zone 68, District V, Port Area, Maynila.
Sa salaysay sa pulisya ni Arnel Habas, 29, security guard, naghahanda siya sa pagpasok sa trabaho nang makarinig ng mga putok ng baril sa labas ng kanilang bahay.
Kaagad umano siyang lumabas ng bahay upang tingnan kung ano ang nangyari at dito na niya nadiskubre ang bangkay ni Tara na nakaupo sa isang bangko.
Bigo naman si Habas na makilala ang salarin dahil kaagad umano itong tumakas.
Patuloy ang imbestigasyon sa kaso. (Mary Ann Santiago)