Bagamat hindi na miyembro ng kanyang Gabinete, tiniyak ni Pangulong Duterte kay Vice President Leni Robredo na walang plano ang administrasyon na agawin ang puwesto ng huli.
“I will assure Leni and the rest of the Bicol region that you will have her until the very end of her term,” sinabi ng Pangulo sa panayam ng media matapos ang groundbreaking ceremony ng Bicol International Airport sa Albay. “And there is no such thing as removing a vice president. What’s the crime?”
Pinasinungalingan din ng Pangulo ang mga espekulasyon na tinanggal sa Gabinete si Robredo upang protektahan ang mga sekretong plano ng una, kabilang na ang pagdedeklara ng batas militar.
Sa kabila naman ng “irreconcilable differences” na naging dahilan ng paghihiwalay nina ng Pangulo, sinabi kahapon ni Robredo na susuportahan niya pa rin ang Pangulo, ngunit hindi niya babaguhin ang kanyang paninindigan sa ilang usapin na hindi nila pinagkakasunduan.
“I would continue to reach out to the President because I think it is my obligation to be supportive of him,” ani Robredo.
“I won’t change my decision because I’m sure of my convictions on the things we don’t agree with,” dagdag niya. “But in any way I can be of help, I’m still here.”
Sa kanyang pahayag nang magbitiw bilang chairperson ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) nitong Lunes, binigyang-diin ni Robredo na tinututulan niya ang Marcos burial, extrajudicial killings, pagbabalik ng death penalty, at iba pa. (Genalyn D. Kabiling at Raymund F. Antonio)