TINANONG namin si Vice Ganda, nang magpa-thanksgiving dinner siya para sa entertainment press, kung sino ang personal choice niya sa pitong maglalaban-laban sa Pinoy Boyband Supertar sa Sabado at Linggo na sina Joao, Ford, Mark, Neil, Russell, Tristan, at Tony.
“Lahat sila magagaling, mahuhusay, pero malakas ang appeal nu’ng Joao, daming fans,” napangiting sagot ni Vice.
Mukhang papasok talaga si Joao sa limang mananalo, dahil halos lahat ng tanungin naming celebrities (na ayaw magpabanggit ng pangalan) ay laging kasama ang binatang tubong Macau bukod kina Russel, Tony at Ford.
Maging ang isa sa mga bida ng Vince & Kath & James na si Ronnie Alonte ay sina Joao, Neil, Tony at Russel din ang pinili.
“Napapanood ko po lagi ang Pinoy Boyband Superstar kasi dahil na rin kay Vice at saka nakikita ko po ‘yung sarili ko sa kanila na nangangarap din, parang kami (Hashtag), kaya ibigay po natin sa kanila ‘yun,”sabi ni Ronnie.
Threat ba ang pitong finalists ng Pinoy Boyband Superstar sa Hashtag dahil napakarami na ring tumitiling fans considering na hindi pa naman talaga artista ang mga ito?
“Ay, hindi po kasi kung baga na-launch na kami, nandito na kami, may mga ginagawa na kami, may mga projects na, at nasa Showtime na kami,” sagot ni Ronnie. “Masaya po kami kaya wala pong dahilan para ma-threaten kami. Masaya po kami at masaya ako para sa kanila kasi binigyan sila ng break na pangarap nila.”
Samantala, hindi nakakapanood si Julia Barretto ng PBS dahil abala siya sa shooting nila ng Vince & Kath & James at iba pa.
Ganoon din si Joshua Garcia na nagsabing, “Wala po, eh, kasi araw-araw po taping namin ng The Greatest Love kaya hindi ko nasisilip, pero naririnig ko po sila.”
Takot ang pitong finalist ng PBS kay Vice dahil sobrang prangka raw, pero nakatutulong naman ito para pagbutihin nilang lalo ang kanilang performance.
May mga pumili kay Aga Muhlach as favorite judge, lalo na si Neil, dahil ito raw ang nag-i-encourage sa kanya parati.
Gusto rin nila si Sandara Park na prangka rin pero palaging positive.
Mukhang safe sa pagkokomento si Yeng Constantino dahil hindi siya binanggit na kinatatakutan o paborito.
Samantala, nitong nakaraang Linggo lang inumpisahang gawin ang malaking stage sa loob ng ABS-CBN compound na pagdadausan ng finals ng Pinoy Boyband Superstar na nasilip namin nitong Lunes na kahit umaambon ay tuloy pa ring ginagawa.
Noong Miyerkules ay almost done na at technical equipment na lang daw ang tinatapos. Ang challenging part ay walang bubong ang buong stage, kaya wish namin ay hindi sana umulan.
Ang limang mananalo sa Pinoy Boyband Superstar ay makakatanggap ng individual exclusive contracts sa Star Magic, recording contracts sa One Music, Yamaha motorcycles, at maghahati-hati sa P5 million cash.
Tutukan ang two-day finale at iboto ang inyong paborito sa pamamagitan ng text at o online via Google. Para bumoto, i-text ang BB (space) PANGALAN NG CONTESTANT at ipadala sa 2366.
Isang boto lang ang tatanggapin bawat SIM card. Para naman bumoto online, i-Google ang “PBS VOTE” at pindutin ang unang link na lalabas. I-click ang larawan ng iboboto mong grand finalist at pindutin ang “submit vote” na button.
Isang vote kada Google/Gmail account lang ang tatanggapin. Hintayin lamang ang hudyat ng host na si Billy Crawford sa Sabado at Linggo bago bumoto.
Ang final performance night ng Pinoy Boyband Superstar ay sa Sabado (Dec.10), 7:15 PM at sa Linggo, 7PM. sa ABS-CBN.
(REGGEE BONOAN)