Patay ang isang 45-anyos na lalaki, kilala umanong tulak, gayundin ang kanyang 18-anyos na anak, runner umano ng ilegal na droga, makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Barangay Napico Manggahan, Pasig City, kahapon ng madaling araw.

Dead on arrival sa Pasig City General Hospital ang mag-amang sina Aliton Dy at Nash Patrick Daniel, kapwa residente ng 841 Labanos Street, Bgy. Napico Manggahan, Pasig City, dahil sa tinamong tama ng bala sa ulo at katawan.

Sa pagsisiyasat ni PO3 Oliver Baguiran, ng Pasig City Police-Station Investigation Division, dakong 12:09 ng madaling araw nang mangyari ang pamamaril habang natutulog ang mga biktima sa loob ng kanilang bahay.

Sa salaysay sa pulisya ni Analie Gloria, kapitbahay ng mga biktima, nakarinig siya ng sunud-sunod na putok ng baril mula sa loob ng bahay ng mag-ama.

Sen. Robin, sinabing ilang araw nang 'di natutulog si Atty. Medialdea

Nang kanyang tingnan ay nakita umano niya ang apat na suspek na nagmamadaling lumabas ng bahay at sumakay sa dalawang motorsiklong walang plaka.

Ayon sa mga pulis, posibleng may kinalaman sa ilegal na droga ang pagpatay sa mga biktima dahil kasama ang mga ito sa drug watch list ng kanilang barangay.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (Mary Ann Santiago)