Isang babaeng overseas Filipino worker (OFW) ang malapitang binaril sa noo ng riding-in-tandem habang nagkakape at nakikipagkuwentuhan sa kanyang ina sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Sabog ang utak ni Zenaida Magora, alyas “Winnie Mallilin”, 49, ng Lorenzo Chacon Street, Tondo.
Mabilis namang tumakas ang hindi nakilalang tandem.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Richard Escarlan, ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), nabatid na dakong 5:10 ng hapon nang hintuan ang biktima, kasama ang 66-anyos niyang ina, ng mga suspek.
Bumaba ang nakaangkas at malapitang binaril sa noo ang biktima.
Sa ulat ni Escarlan, lumilitaw na posibleng may kinalaman sa ilegal na droga ang krimen, bagamat tinitingnan din ang posibilidad na may kinalaman dito ang nakaalitan ni Magora sa social media. (Mary Ann Santiago)