Nanlalambot ang isang binatilyo dahil sa labis na panghihinayang makaraang mabiktima ng isang babae na umano’y miyembro ng “Dugu-Dugo” gang at matangayan ng P152,000 halaga ng alahas at gadget sa Caloocan City, kamakalawa ng umaga.

Ayon sa biktima na kinilala sa alyas na “James”, 15, dakong 10:00 ng umaga, tumawag sa kanya ang isang babae na nagpakilalang “Lanie”.

Sinabi umano ng babae na naaksidente ang kanyang mga magulang sa Edsa, Caloocan City at kinakailangan ng pera para maoperahan.

“Sabi ko wala po akong hawak na pera. Tapos sinabihan n’ya ako na kunin na lang ang mga alahas at gadget sa kuwarto nina Mama at Papa,” ani James.

15 public schools sa Davao City, nagsuspinde ng face-to-face classes para sa kaarawan ni FPRRD

Upang mas mapadali ang pagkikita, inilarawan umano ni Lanie sa biktima ang suot na damit at ang lugar ng kanilang tagpuan sa isang footbridge sa harap ng isang supermarket sa Samson Road, Monumento, Caloocan City.

Bitbit ang mga alahas at gadget, ibinigay ng biktima ang mga ito kay Lanie at pagkatapos ay pinauwi na siya ng huli.

Pagkauwi ni James ay nalaman niya na hindi pala naaksidente ang kanyang mga magulang matapos makatanggap ng tawag mula sa mga ito.

Nakikipagtulungan na ang pamilya ng biktima sa pulisya upang madakip ang suspek. (ORLY L. BARCALA)