“’Di ka marunong makuntento, ha!” Ito umano ang gigil na gigil na pahayag ng isang ‘di pa nakikilalang lalaki bago tuluyang sinuntok, sinakal, sinabunutan at pinagsasampal ang isang babae na umano’y nagbebenta ng aliw sa Plaza Lawton, Ermita, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Ang biktima ay kinilala lamang sa pangalang Wheng Miranda, 33, ng Quezon City.
Samantala, isang alyas “Natoy” ang itinuturong suspek sa panggugulpi at pagpatay sa biktima na inilarawang nasa edad 45, may taas na hanggang 5’9” at malaki ang pangangatawan.
Sa imbestigasyon ni PO3 Aldeen Legaspi, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 7:30 ng gabi nang mangyari ang panggugulpi at pagpatay sa tabi ng Manila City Hall Engineering Office sa Plaza Lawton, Arroceros Street, sa Ermita, na sakop ng Barangay 659.
Sa salaysay ng testigong si Maria, ‘di niya tunay na pangalan, bago nangyari ang krimen ay nakita niya ang biktima na nakikipagtalo sa suspek sa hindi mabatid na dahilan.
Maya-maya pa’y sinuntok umano ng suspek ang biktima sa mukha na naging dahilan ng pagkakabuwal ng biktima.
“Tang **a mo, Natoy! Bakit mo ko ginaganito!” sigaw pa umano ng biktima na sinagot naman ng suspek ng, “’Di ka marunong makuntento, ha!” saka kinaladkad ang biktima sa pagitan ng dalawang nakaparadang sasakyan kung saan natagpuan ang bangkay nito.
Ayon naman sa isa pang testigo na itinago sa pangalang “Rey”, bago pinatay ang biktima ay kasama pa niya ito mula 10:00 ng umaga hanggang 7:00 ng gabi.
Nagulat na lang umano siya nang pagbalik niya sa nasabing lugar ay pinagkakaguluhan na ang bangkay ng biktima.
Kuwento pa ni Rey, nakilala niya si Miranda noong Nobyembre 11 sa nasabing lugar at madalas na umano silang magkita at magkaroon ng “intimate activities”, kapalit ng pera. (Mary Ann Santiago)