Makalipas ang apat na taon, tuluyan nang nahatulan ng habambuhay na pagkakakulong ang isang Nigerian at isang Pinay na napatunayang magkasabwat sa pagbebenta ng shabu sa Leon Guinto Street, sa Ermita, Maynila noong Mayo 2, 2012.

Batay sa siyam na pahinang desisyon na iniakda ni Manila RTC Judge Emilio Rodolfo Y. Legaspi III ng Branch 13, nabatid na pinagmumulta rin ng tig-P500,000 sina James Williams at Joy Montecillo dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Base sa rekord ng korte, Mayo 2, 2012 nang madakip ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sina Williams at Montecillo matapos umanong bentahan ng ilegal na droga ang asset ng mga awtoridad.

Mariin namang itinanggi ni Montecillo ang alegasyon ng PDEA, at sinabing walang buy-bust na naganap.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Aniya, sa nabanggit na petsa, nakipagkita lamang siya sa kapwa-akusadong si Williams dahil ayon sa kanyang mister na isang Beninin (mula sa Republic of Benini, Africa), tutulungan siya ni Williams na bumili ng plane ticket para sa kanya at kanyang anak patungong Benin, Africa.

Ayon naman kay Williams, tinawagan siya ng kaibigan niyang si “Morlaye” na nakiusap sa kanya na tulungang bumili ng plane ticket si Montecillo at anak nito patungong Benin.

Patungo na aniya sila sa isang travel agency nang dumating ang mga tauhan ng PDEA, hinawakan siya sa kuwelyo saka isinalya sa loob ng sasakyan, pinag-ikut-ikot aniya sila ng PDEA agent at tinangka pa umano silang kikilan ng P1 milyon, bago tuluyang dinala sa Manila City Hall para isalang sa inquest proceedings, dakong 11:00 ng gabi.

Gayunman, higit na pinaniwalaan ng husgado ang testimonya nina Jayson B. Correa, Jigger Juniller Jose Alfonso Morados at Ma. Lourdes B. Acosta ng PDEA na nagdidetalye sa ikinasang buy-bust operation na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto. (MARY ANN SANTIAGO)