Nagbitiw bilang head coach ng National University men’s basketball team si dating national player at PBA star Eric Altamirano.
Tinapos ni Altamirano ang anim na taong panunungkulan sa NU matapos mabigong gabayan ang Bulldogs sa Final Four sa kasalukuyang season.
Ito ang unang pagkakataon na nabigo ang Bulldogs na makapasok sa cross-over semifinal makalipas ang limang taon makaraang tumapos lamang sa markang 5-9.
Kasabay na nagbitiw ni Altamirano angkanyang mga assistant coaches na sina Joey Guanio, Vic Ycasiano, Paolo Layug, at anak nito na si Anton Altamirano.
Sa loob ng kanyang panunungkulan, nabigyan ni Altamirano ang NU ng una nitong kampeonato pagkaraan ng 60 taon noong Season 77.
Habang sinusulat ang balitang ito, hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag si Altamirano hinggil sa kanyang naging desisyon. (Marivic Awitan)