MASAMA ang loob ni Claudine Barretto sa isang panayam sa ex-husband na si Raymart Santiago na tinawag na ‘away-bata’ lang ang naganap dito sangkot ang isang pamangkin ng aktor.
Sa nabanggit na interbyu, hindi sinang-ayunan ni Raymart ang balak ni Claudine na maghiganti sa taong nanakit sa kanilang anak. Kung maaari, ayaw na niyang palakihin pa ang isyu.
Ayon kay Raymart, nasa Cebu siya nang maganap ang insidente at ipinaliwanag niya na pinigilan lang ng pamangkin niya si Santino sa paghahagis nito ng iba’t ibang bagay.
“Nagulat na ako kay Claudine na nagwawala-wala. Away-bata! Pinipigilan ‘yung bata na (hindi) makapanakit dahil namamato na ng mga bagay. ‘Yun, actually ‘yun lang ‘yun. Ngayon, pinalaki niya,” pahayag ni Raymart.
Ayon naman kay Claudine, napilipit ang braso ni Santino at sinakal ng pamangkin ni Raymart.
Sa Instagram post, sabi ng aktres, “Away bata talaga, Raymart! Ten years old si Santino at ‘yung pamangkin mo 27 YEARS OLD? Bata ba ‘yun??? Duwag ka! Minsan lang, kahit minsan magsabi ka naman ng totoo. Your kids called you a liar after this interview. Stay away from us!! I mean it, pay the freaking arears coz you only have up to Nov. 30 sabi ng court. Unless gusto mo uli magbayad ng bail sa mga warrant of arrests mo. Ibalik mo na mga ninakaw mo then leave us in peace!” (ADOR SALUTA)