Pinaniniwalaang mga miyembro ng Maute terror group ang nag-iwan ng bomba sa harap ng United States (US) Embassy sa Roxas Boulevard, sa Ermita, Maynila, kahapon ng umaga.

Sinabi ni Manila Police District (MPD) Director Senior Supt. Joel Napoleon Coronel na dakong 6:30 ng umaga nang madiskubre ni Ely Garcia, street sweeper ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ang bomba sa isang basurahan sa harapan ng embahada at kaagad itong ini-report sa MPD-Explosives and Ordnance Division (EOD).

Nakasakay umano sa isang taxi cab ang hindi nakilalang salarin na nag-iwan ng bomba sa basurahan dakong 2:00 ng madaling araw.

Kaagad namang kinordon ng mga pulis ang lugar at nang inspeksiyunin ay nakumpirmang isang improvised explosive device (IED) ang nadiskubre, isang 81mm mortar round, na may 9-volt battery, cellphone bilang triggering device at blasting cap.

Probinsya

Asawa ng mastermind sa pagpatay sa mag-asawang online seller, nagpadala raw ng lechon bago ang krimen?

Ayon sa pulisya, nakakabit ang pampasabog sa isang lumang cell phone na may itim at pulang wire sa likod na nakakonekta sa isang mistulang itim na bola, na ginamitan ng electrical at packing tapes.

Kaagad ring na-detonate ng mga miyembro ng bomb squad ang bomba at idineklarang ligtas na ang Roxas Boulevard dakong 7:45 ng umaga.

GAYA NG SA DAVAO BLAST

Sinabi naman ni Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Ronald “Bato” dela Rosa na ang bomba ay gaya ng ginamit sa pagpapasabog sa night market sa Davao City noong Setyembre 2.

Bagamat wala pang matibay na ebidensiya, hinala ng Chief PNP na posibleng ang Maute Group ang nag-iwan ng bomba malapit sa US Embassy bilang diversionary tactics, lalo dahil ang teroristang grupo ang pinagtutuunan ngayon ng opensiba ng militar sa Mindanao, matapos na salakayin ng grupo ang Butig, Lanao del Sur noong nakaraang linggo.

“Puwede nating i-theorize na puwede nila (Maute Group) itong pang-diversion,” sabi ni Dela Rosa. “There is no hard evidence yet but an argument can be made that foiled bomb attack can be handwork of Maute group.”

Kaugnay nito, mariin ding pinabulaanan ni Dela Rosa ang napaulat na ang gobyerno ang may kagagawan sa tangkang pagpapasabog kahapon upang bigyang-katwiran umano ang pagpapatupad ng batas militar.

DON’T PANIC

Kasabay ng payo sa publiko na huwag mag-panic, tiniyak ni Dela Rosa na dodoblehin ng pulisya ang full alert at posibleng magbukas din ng mga checkpoint upang maiwasan na ang mga kahalintulad na insidente.

“Nalusutan kami, pero hindi naman sumabog,” pag-amin ni Dela Rosa. “Everything is under control. Your police is on top of the situation.”

Sinegundahan naman ng Malacañang ang pahayag na ito ng pulisya, sinabing pinaigting na ang seguridad sa mga paliparan, bus terminal at iba pang pampublikong lugar.

“We assure the public that this incident should not be a cause for alarm. Business and work continue as normal,” sabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar. (MARY ANN SANTIAGO at GENALYN KABILING)