Dahil hindi nanlaban at mapayapang nagpaaresto, ligtas na sa tiyak na kamatayan ang isang big-time drug pusher na nakumpiskahan ng P2 milyon shabu sa ikinasang buy-bust operation sa Quezon City, iniulat kahapon.

Sa report ni QCPD Director Police Chief Supt. Guilor Lorenzo T. Eleazar, kinilala ang suspek na si Regienald Capili, 45, ng Barangay Quirino, Quezon City.

Si Capili ay kasalukuyang nakapiit sa detention cell ng District Anti-Illegal Drugs (DAID) sa Camp Karingal matapos sampahan ng kasong paglabag sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa imbestigasyon ng DAID, dakong 1:00 ng madaling araw ikinasa ng DAID Special Operation Task Group (SOTG) ang buy-bust operation sa Molave Street sa naturang barangay, sa pamumuno nina P01 Raymund Barce at PO1 Austria De Rome.

National

Pag-imbestiga ng Senado sa drug war ni ex-Pres. Duterte, magandang ideya – Pimentel

Dahil na rin sa impormante, hindi na nagkaroon ng bayaran sa pagitan ng suspek at poseur buyer at sa pagsalakay sa lugar ay natiyempuhan ng awtoridad si Capili na hindi na nagmatigas at nanlaban.

Nasamsam ang aabot sa kalahating kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P2 milyon, isang .45 kalibre ng baril, mamahaling cell phone, mga drug paraphernalia, P400 drug money.

Kaugnay nito, inatasan ni Eleazar ang Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) na huwag tantanan ang imbestigasyon upang malaman ang supplier ng suspek sa ilegal na droga. (JUN FABON)