Napanatili ni Al Rivera ang OPBF light welterweight title nang mapatigil sa 2nd round si dating WBC Asian Boxing Council at Philippine super lightweight champion Adones Cabalquinto nitong Biyernes ng gabi sa Santa Rosa City, Laguna.
Ito ang ikalawang laban ng dalawang panguhing boksingero ng Pilipinas sa super lightweight division matapos talunin ni Rivera sa 2nd round TKO si Cabalquinto noong Nobyembre 13, 2015 sa Philippine Navy Gymnasium sa Taguig City.
Ikapitong sunod na panalo ito ni Rivera mula nang lumasap na pagkatalo via 7th round knockout kay Pinoy journeyman Leonardo Doronio na nagpahirap sa mga world class boxers tulad nina WBC No. 2 super featherweight Miguel Roman at WBC Latino lightweight champion Nery Saguilan kapwa ng Mexico.
Hindi naging madali ang laban ni Rivera kay Cabalquinto dahil napabagsak siya nito sa 1stround, ngunit nakabawi siya sa 2nd round nang bumulagta ito sa lona eksaktong 2:04 ng laban at nabilangan ni referee Virgilio Garcia.
Unang depensa ni Rivera sa kanyang OPBF crown na natamo niya nang talunin si dating Japanese super lightweight titlist Shinya Iwabuchi via 7th round TKO noong Pebrero 11, 2016 sa Korakuen Hall sa Tokyo, Japan.
Napaganda ni Rivera ang kanyang rekord sa 17-2-0 na may 15 panalo sa knockout at inaasahang aangat sa world ranking kung saan nakalista siyang No. 31 contender kay WBC super lightweight champion Terence Crawford ng United States.
(Gilbert Espena)