Limang beses umanong kumulekta ng pera si Ronnie Dayan sa umano’y drug lord na si Kerwin Espinosa noong 2014, base na rin sa utos ni Senator Leila de Lima.
Sa kanyang testimonya sa House Committee on Justice, sinabi ni Dayan na, “meron po akong natanggap na pera mula kay Kerwin Espinosa para kay Secretary De Lima. Mga five times po. Ang perang ibinibigay sa inaabot sa akin, nasa paper bag na maliit. Hindi ko na po binibilang at hindi na rin sinasabi ni Kerwin kung magkano ‘yun.”
Nang tanungin kung tinitingnan ni Dayan ang laman ng paper bag, sinabi niyang, “Hindi ko po alam kung magkano ‘yung laman nung binibigay sa ‘kin na paper bag kasi hindi ko lang po sinisilip. Sinasalat ko po,”
Sinabi ni Dayan na kinulekta niya ang mga pera kay Kerwin noong Agosto 2014, Oktubre 2014, at tatlong beses noong Nobyembre 2014.
“Si Kerwin po mismo ang nag-aabot nung pera. At inaabot ko ang mga ito kay Ma’am pagdating sa bahay sa mismong kwarto,” ani Dayan.
Kapag magde-day off na umano si Dayan, binibigyan siya ng P25,000 hanggang P30,000 mula sa nasabing paper bag.
Ang pahayag ni Kerwin na nakapagbigay siya ng P8 milyon kay De Lima ay mahigpit na pinabulaanan ng Senadora.
‘Di kilala si Kerwin
Sinabi ni Dayan na hindi niya kilala si Kerwin sa loob ng apat na buwang pag-aabutan ng pera.
“Si Kerwin Espinosa, hindi ko nga alam na drug lord nung nag-aabutan kami, ang alam ko dun engineer siya,” ani Dayan.
“Kaya sabi ko ito siguro iyung engineer na sinasabi ni Ma’am. Pero ang sabi ni Ma’am may nagbigay pa nga ng Starex sa kanya, isang engineer daw,” dagdag pa niya.
Nalaman lang umano ni Dayan na ‘drug lord’ si Kerwin nang mapatay ang ama ng huli na si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa sa kulungan.
Karamihan sa mga nabanggit na pangalan sa affidavit ni Kerwin sa Senado nitong Miyerkules ay hindi rin umano kilala ni Dayan.
Pasok sa WPP
Isasailalim sa Witness Protection Program (WPP) sina Kerwin at Dayan, ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II.
Hindi man lubusang sakop ng WPP ay bibigyan na ng proteksyon ang dalawa matapos magsalita laban kay De Lima.
Samantala full coverage o lubusang proteksyon ang ibibigay sa mga ito kapag pormal nang tinanggap sa WPP.
Droga o buhay?
Nitong Miyerkules, binalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal ng pamahalaan at sinabing kung sangkot sila sa illegal drug trade ay itigil na, o pagbubuwisan nila ito ng buhay.
“There are still mayors, still there, playing the narco-politics game and I’m warning them again. You might not want to hear it but you will not only lose your funds, you’ll lose your life,” ani Duterte.
(ELLSON A. QUISMORIO, JEFFREY DAMICOG at ELENA L. ABEN)