BUTUAN CITY – Isang police master sergeant at isang suspek sa pagtutulak ng droga ang napatay habang nasugatan naman ang isa pang pulis sa sagupaan nitong Martes na sumiklab sa pagsisilbi ng mga awtoridad ng search warrant sa Purok 7, Barangay Poblacion sa Trento, Agusan del Sur.

Kinilala ang mga napatay na sina SPO4 Inocentes P. Aclan, Jr., 45, taga-Purok 5, Bgy. Patin-ay, Prosperidad; at Ronnie C. Fancobila, alyas “Biboy”, nasa hustong gulang, at taga-Bgy. Poblacion, Trento, Agusan del Sur.

Sugatan naman at nagpapagaling na sa ospital si PO1 Alex A. Escaño, 36, taga-Purok 2, Block 48, Emmenville Subdivision, Bgy. Libertad, Butuan City.

Sina Aclan at Escaño ay kapwa operatiba ng Provincial Intelligence Branch (PIB) ng Agusan del Sur Police Provincial Office (PPO).

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

Ayon sa report kay Police Regional Office (PRO)-13 Director Chief Supt. Rolando B. Felix, nagsagawa ng operasyon ang Agusan del Sur PPO, bitbit ang search warrant sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act sa bahay ni Fancobila dakong 3:10 ng umaga nitong Martes.

Gayunman, pinaputukan umano ng suspek ang mga pulis at natamaan sina Aclan at Escaño.

Gumanti ng putok ang mga baril, at matapos ang maikling habulan ay natamaan ang suspek hanggang tuluyang mamatay.

Narekober sa lugar ng sagupaan ang isang M-16 Armalite na kargado ng 18 bala, isang .45 caliber pistol Grandmaster na may walong bala, dalawang wristwatch (Daniel Willington at Puma), dalawang silver na kuwintas, isang .22 caliber pistol na may apat na bala, isang sirang magazine ng .45 caliber na may limang bala, 18 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P212,400, at drug paraphernalia, ayon kay Chief Supt. Felix. (Mike U. Crismundo)