Humagulgol si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa sa pagdinig ng Senate committee on public order and illegal drugs kahapon.

Sa pagtatanong ni Senator Juan Miguel Zubiri, hindi napigilan ni Dela Rosa na mapaiyak nang aminin nito na nawawalan na ng tiwala ang taumbayan sa mga pulis dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na mga gawain, kabilang ang droga.

Aniya, hirap na hirap na rin siya kapag nakikita niyang nawawalan na ng kumpiyansa ang taumbayan sa pulis.

Sen. Imee, pinabulaanang siya ang promotor ng kudeta sa Senado

“Ako’y hirap na hirap na at hindi naman ako si Superman,” ayon kay De la Rosa.

Pero iginiit nito na tulad ng pangako niya kay Pangulong Rodrigo Duterte, hindi siya bibitaw sa kampanya laban sa ilegal na droga.

“Sir, hindi kita iiwan sa laban na ito. I’ll be with you no matter what, kasama ko ang aking pamilya sa laban na ito,” dagdag pa ni Dela Rosa.

Natawa naman si Dela Rosa nang sabihin ni Sen. Francis Escudero na hindi dapat malungkot dahil nasa tabi niya si ‘Batman’ o si Kerwin Espinosa na nagpapakilalang ‘Batman’ sa sirkulo ng ilegal na droga.

Makaraan ang ilang sandali, si Supt. Marvin Marcos, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 8, naman ang umiyak.

Ito ay nang pabulaanan ni Marcos ang akusasyon sa kanya ni Kerwin na humihingi umano ang una ng P3 milyon sa kanya para tustusan ang kampanya ng asawa ng opisyal.

Sinabi ni Marcos na hiwalay na siya sa asawa, ay hindi niya kakilala si Kerwin. Hindi rin umano totoo ang alegasyon.

(Leonel M. Abasola)