Muling nagningning ang Pinoy sa international wushu stage nang makamit ni Agatha Christensen Wong ang bronze medal sa taijijian event ng 1st Taolu World Cup kamakailan sa Fuzhou, China.

Matikas na nakihamok ang 18-anyos na si Wong, nagiisang miyembro ng Wushu Federation Philippines na isinabak sa prestihiyosong torneo, ngunit naungusan siya ni Malaysian Lu Yi Chan, 9.49-9.50, sa final taolo (routine exercise).

Nakopo ni Suijin Chen ng HongKong ang gintong medalya sa iskor na 9.53.

Sinanay ni dating taijiquan standout Bobby Co, nakalusot si Wong sa World Cup nang magwagi ng silver medal sa World Wushu Championship sa nakalipas na taon kung saan tumapos ang Pinoy sa ikawalong puwesto tangan ang 2-2-1 medalya.

Basketbolistang lumabag sa 'anti-drug program' ng NBA, suspendido ng 25 games, lugi rin ng ₱690M!

Sa nakalipas na 9th Asian Wushu Championhip nitong Setyembre, nakasikwat din ng bronze medal ang third year student ng De La Salle University.

“We are confident with the continuing support of Philippine Sports Commission Agatha will overtake her Malaysian rival to win the gold medal in the 2017 Southeast Asian Games,” pahayag ni WFP president Tan She Ling.

Kabilang sa national training pool na suportado ng Philippine Sports Commission, bahagi ng RP Team si Wong na nagwagi ng gold medal sa taijiquan event sa 7th

Asian Junior Wushu Championship sa nakalipas na taon. Nakamit din niya ang gintong medalya sa naturang event sa 6thAsean Schools Games nitong 2015.

Bilang junior player, napagwagihan ni Wong ang isang ginto at bronze medal sa taijijian 42 form sa 8th Asian Junior Wushu Championships.