Patuloy pa rin ang pangangalakal ng droga sa New Bilibid Prison (NBP) sa tulong ng malalapit na kamag-anak at pamilya.
Ito ang ibinunyag ni PNP chief Director General Ronald dela Rosa nang malaman na isa sa mga preso sa NBP ang nasa likod ng 22-kilong drug shipment na nakumpiska ng mga awtoridad sa dalawang courier na nahuli sa buy-bust operation sa Guadalupe, Makati City.
Kinilala ni Dela Rosa ang inmate na si Hilario Labadero, nobyo umano ng isa sa mga drug courier na si Maria Rosario Echaluce, na nagsisilbing taga-deliver at tagabenta ng shabu.
Ayon kay Dela Rosa, posibleng bataan si Labadero ng isa sa mga big-time drug lord na inilipat sa Building 14 na nagawang maipagpatuloy ang negosyo ng kanyang amo.
Aniya, walang cell phone ang mga drug lords sa loob ng Building 14, pero ang kanilang mga bataan na naiwan sa labas ay posibleng nakikipag-ugnayan sa kanila sa pamamagitan ng human contact.
Ayon pa kay Dela Rosa, hindi na niya alam kung ano ang gagawin sa mga drug lord na ito at tila pagpatay lang ang tanging paraan para mapatigil sila. (Fer Taboy)