July 23, 2026

Home BALITA National

VP Sara, nag-church visit sa Cebu; isa sa mga dasal pag-uwi ni FPRRD sa bansa

VP Sara, nag-church visit sa Cebu; isa sa mga dasal pag-uwi ni FPRRD sa bansa
Photo courtesy: Inday Sara Duterte (FB)/MB File Photo

Naglaan ng oras si Vice President Sara Duterte upang manalangin sa isang makasaysayang simbahan sa Cebu sa gitna ng kaniyang pagbisita sa lalawigan nitong mga nakaraang linggo.

Sa isang social media post nitong Linggo, Hulyo 5, ibinahagi ni VP Sara na nagtungo siya sa Archdiocesan Shrine of St. Vincent Ferrer sa Bogo City upang magsindi ng kandila at mag-alay ng panalangin para sa bansa at sa mga Pilipino.

Ayon sa Bise Presidente, kabilang sa kaniyang ipinagdasal ang kapayapaan ng Pilipinas at ang kaligtasan ng mga Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa iba't ibang bahagi ng mundo.

“Tinungo natin ang Archdiocesan Shrine of St. Vincent Ferrer sa Bogo City upang magsindi ng kandila at ipanalangin ang kapayapaan ng ating bansa at ang kaligtasan ng mga Pilipino, kabilang na ang mga nagtatrabaho at naninirahan sa ibang bansa,” aniya.

Bukod dito, sinabi rin niyang isinama niya sa kaniyang mga panalangin ang pagbabalik sa bansa ng kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyan pa ring nasa detention center ng International Criminal Court (ICC) na humaharap sa kasong crimes against humanity.

National

US Pres. Trump, ipapaalam kay Chinese Pres. XI Jinping 'concerns' ng Pilipinas—Palasyo

“Kasama rin sa ating mga dasal ang pag-uwi ni Dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ating bayan,” pahayag niya.

Ipinagdasal din ng Bise Presidente ang patuloy na pagbangon ng Bogo City mula sa mga pinsalang idinulot ng malakas na lindol na tumama sa lugar noong 2025.

Ayon kay Duterte, kapansin-pansin pa rin ang mga bakas ng pagkasira sa simbahan bunsod ng naturang kalamidad.

Dahil dito, pansamantala umanong idinaraos ang mga misa sa isang temporaryong gusali sa loob ng compound ng simbahan habang nagpapatuloy ang mga kinakailangang pagkukumpuni.

“Kapansin-pansin na bakas pa rin ang pinsala ng lindol sa kanilang simbahan, kaya pansamantala munang isinasagawa ang mga misa sa isang pansamantalang gusali sa loob ng compound ng simbahan,” saad niya.

Sa pagtatapos ng kaniyang mensahe, hinikayat ni Duterte ang mga Pilipino na manatiling matatag at magmahal sa bayan sa kabila ng mga pagsubok na kinakaharap ng bansa.

“Mga kababayan, patuloy tayong maging matatag, at mahalin natin ang Pilipinas—para sa Diyos, sa Bayan, at sa bawat Pamilyang Pilipino,” aniya.

Ang Archdiocesan Shrine of St. Vincent Ferrer ay isa sa mga kilalang lugar ng pananampalataya sa hilagang bahagi ng Cebu at dinarayo ng mga deboto mula sa iba't ibang lugar sa Visayas.

Samantala, ginawa ni VP Sara ang church visit isang araw bago ang impeachment trial sa Senado sa Lunes, Hulyo 6.