Nakapagtala ng 265.22% na pagtaas ng kaso ng Covid-19 ang Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (QCESD) sa Quezon City sa mga nagdaang tatlong linggo.
Batay sa inilabas na tala ng QCESD nitong Linggo, Hulyo 5, mula sa 23 kumpirmadong bilang ng Covid-19 sa pagitan ng Mayo 21 hanggang Hunyo 10, pumalo ang mga kaso sa 84 mula Hunyo 11 hanggang Hulyo 1.
Dahil dito, 146 na ang kumpirmadong kabuoang bilang ng Covid-19 sa Quezon City ngayong 2026.
Sa nasabi ring datos, nasa ika-apat na distrito ang may naitalang pinakamataas na bilang ng mga kaso, sa bilang na 32.71%.
Kasunod nito ang unang distrito sa bilang na 22.43%.
Ang mga sumusunod naman ang barangay na may pinakamaraming tala ng Covid-19 ay ang Doña Imelda (11 kaso), Culiat, Salvacion, Santa Teresita, Santo Cristo, Sauyo, Socorro, at Tandang Sora, na may tig-aapat na kaso.
Samantala, binubuo ng mga batang 14 na taong gulang pababa ang kaso ng Covid-19 sa Quezon City o 30%,
Sinundan ito ng mga nasa edad 25 hanggang 29 sa 16% at senior citizens sa 16% rin.
Karamihan din sa mga apektado ng kaso ay kababaihan, na mayroong 66 na bilang o 62% kumpara sa kalalakihan na may 41 kaso o 38%.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang case monitoring at disease surveillance ng QCESD upang patuloy na mabantayan ang sitwasyon at agad na matukoy ang mga posibleng pagdami pa ng mga bilang na ito.
Dahil dito, patuloy na hinihikayat ng QCESD ang publiko na sundin ang mga pangunahing hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng Covid-19:
- Pagtatakip ng bibig at ilong tuwing uubo o babahing.
- Pagsusuot ng face mask kung may dinaramdam ng sintomas ng Covid-19.
- Paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig at paggamit ng alcohol-based sanitizer.
- Pagpapanatili ng ligtas na distansya sa iba kapag may dinaramdam na sintomas.
Pinapayuhan din ng QCESD ang mga magulang na agad ipasuri sa health center ang kanilang anak kung nakararanas na ito ng mga sintomas ng Covid-19, gayundin sa mga nakatatanda at mga may mahihinang resistensya upang maiwasan ang malubhang komplikasyon.