LUCENA CITY, Quezon – Arestado ang dalawang anak na lalaki ng tinaguriang Quezon drug king na si Cerilo “Athel” Alcala at apat na iba pa sa drug bust ng pulisya sa Wood Lanes Estate, Barangay Balubal sa Sariaya, Quezon, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Senior Supt. Antonio C. Yarra, director ng Quezon Police Provincial Office (PPO), ang mga naaresto na sina Shajid Abutin Alcala, 35; Cer Olliriz Alcala, alyas “Red-Red”, 23, mga anak ni Athel Alcala, na kapatid nina dating Agriculture Secretary Proceso J. Alcala at incumbent Quezon 2nd District Rep. Vicente J. Alcala.
Dinakip din kasama ng magkapatid sina Joel Jamilla Lambit, 31, binata; Noel Gabriel Abutin, 52; Dona May Radones Abastillas, 22, dalaga; at Yumiko Angela Tan, 24, dalaga.
Ayon kay Senior Supt. Yarra, dakong 2:30 ng umaga nang ikasa ng mga tauhan ng Provincial Anti-Illegal Drugs Special Task Group (PAIDSTG) at Provincial Intelligence Branch (PIB) ang drug bust hanggang nakabili ng shabu ang pulis na poseur buyer at inaresto ang anim.
Hindi nakapalag si Shajid nang kumpiskahin ng mga pulis ang 62.30 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P115,255, drug paraphernalia, P6,000 marked money, tatlong kotse at isang motorsiklo na ginagamit umano sa pakikipagtransaksiyon ng mga suspek.
Matatandaang Oktubre 3 ngayong taon nang arestuhin ng pulisya ang misis ni Shajid na si Arlene, 36, sa bahay nito sa San Juan Estate, Bgy. Isabang sa Tayabas City.
Naaresto rin ang ina at kapatid ni Shajid na sina Maria Fe Abutin Alcala, 58; at Toni Ann Abutin Alcala, 33, dalaga, sa Leveriza Subdivision sa Bgy. Isabang, Tayabas, noong Setyembre 11, 2016. (Danny J. Estacio)