CALAPAN CITY, Oriental Mindoro – Patay ang isang dating bise alkalde sa Oriental Mindoro matapos siyang malapitang pagbabarilin ng riding-in-tandem habang sakay sa kanyang pick-up truck sa national highway ng Naujan, dakong 5:10 ng hapon nitong Sabado.
Kinilala ni Senior Supt. Christopher C. Birung, director ng Oriental Mindoro Police Provincial Office (PPO), ang biktimang si Wilson A. Viray, 51, dating bise alkalde ng Naujan.
Batay sa imbestigasyon, sakay si Viray at kasamahan niyang si Ellie C. Gomer, 28, magsasaka, taga-Barangay Paitan, Naujan, sa Nissan Frontier (WTU-480) ni Viray nang pagbabarilin siya ng mga suspek.
Upang matiyak na napatay nga nila si Viray, binalikan pa siya ng mga suspek at muli siyang pinaulanan ng bala.
Sa post mortem report ni Dr. Mary Jean Manalo, nabatid na nagtamo si Viray ng siyam na tama ng bala sa katawan, habang hindi naman nasaktan si Gomer.
Apat na anggulo ang tinitingnan ng pulisya kaugnay ng motibo sa pamamaril kay Viray, kabilang na rito ang pulitika.
(Jerry J. Alcayde)