Patay ang isang magkapatid na hinihinalang tulak matapos umano silang manlaban sa buy-bust operation ng mga pulis sa Tondo, Maynila, nabatid kahapon.
Kinilala ni Senior Insp. Rommel Anicete, hepe ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), ang mga napatay na sina Antonio Mercado, alyas “Puti”, 46; at Melandro Mercado, alyas “Andre”, 28, kapwa taga-Sta. Rita Street, Tondo.
Sa ulat ni SPO3 Milbert Balinggan, nabatid na dakong 11:30 ng gabi nitong Linggo nang magsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Unit (SAID-SOTU) ng MPD-Station 2 sa bahay ng magkapatid.
Umaktong poseur buyer si PO1 Francis Canullo at habang nagtatransaksiyon ay nakilala umano ng magkapatid ang kanilang kliyente kaya tinangka umano ng mga ito na barilin ang mga pulis, ngunit naunahan sila.
Narekober ng mga pulis mula kay Antonio ang isang .45 caliber pistol at pitong plastic sachet ng shabu, habang isang .38 caliber revolver at tatlong sachet naman ng shabu ang nakumpiska kay Melandro. (Mary Ann Santiago)