Dismayado si Paul Lee sa resulta ng kanyang laro sa kampo ng bagong koponang Star Hotshots.

Ang tinaguriang ‘Angas ng Tondo’ay nakapagtala lamang ng 12 puntos at 10 rebound kontra sa defending champion San Miguel Beer, 96-88, sa pagbubukas ng PBA Philippine Cup nitong Linggo sa Araneta Coliseum.

“First time na nangyari sa akin yan,” pahayag ni Lee.

“Yung dati na pinakamarami ko, since college pa ako.”

PBA, hinihingi panig ni Amores; makabalik pa kaya sa liga?

Maraming nagsasabing kakulangan sa pamilyaridad sa isa’t-isa ang dahilan ng kanilang pagkatalo, ngunit para kay Lee masyado lamang silang nadala ng kanilang damdamin sa kagustuhang maipanalo ang unang laban.

Ngunit, naniniwala rin siya na kailangan pa niyang masanay sa sistema ng Hotshots, sa pangangasiwa ng bagong coach na si Chito Victolero.

“Kailangan ko pa rin mag-adjust. Pero madali na lang din yun kasi nakita ko naman kung paano maglaro ang team,” pahayag ni Lee.

Gayunman, nananatiling optimistiko ang kanilang koponan ayon kay Lee para sa mga susunod nilang laban.

“Sabi ni coach, madaling ayusin yung mga pagkakamali namin. Medyo nawala lang kami sa sistema namin, so yun yung mga kailangan namin na baguhin as a team,” aniya.

Maliban naman sa panalo ng Beermen sa opening day, nagkamit pa ng panibagong karangalan sa kanyang basketball career ang reigning MVP na si slotman Junemar Fajardo.

Bukod sa magandang panimula matapos niyang pangunahan ang 96-88 na panalo ng Beermen kontra Star Hotshots, napahanay din si Fajardo sa elite member ng PBA player na may 300 career-block.

Nakamit niya ang karangalan sa dalawang supalpal sa Hotshots. Nakopo niya ang ika-47 puwesto.

Ayon Kay Fajardo, pinanabikan din niya nang husto ang muling paglalaro dahil sa napàaga nilang bakasyon makaraang matapos matalo sa semifinals ng nakaraang Governors’ Cup kontra sa nagkampeong Ginebra.

Nagposte si Fajardo sa nasabing panalo kontra Star ng 25 puntos at 16 rebound. (Marivic Awitan)