Isang 64-anyos na lalaki ang natagpuang patay at may tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan, ilang oras matapos itong lumabas sa isang motel sa Maynila, kahapon ng madaling araw.

Nadiskubre ng vendor na si Lanny Mangulabnan, 52, ang bangkay ni Cornelio Salvador, Jr., alyas “Asyong”, taga-Yumin Street, Marikina City, sa Old Antipolo Street sa Tondo, dakong 4:50 ng umaga.

Sa ulat ni Supt. Alex Daniel, hepe ng Manila Police District (MPD)-Station 7 (Jose Abad Santos Avenue), isinalaysay sa kanila ni Cathy Dizon, 36, kinakasama ng biktima, at taga-Laguna Extension, Tondo, na huli nitong nakitang buhay si Salvador dakong 6:00 ng umaga nitong Sabado, matapos silang mag-check-in sa Halina Hotel sa Sta. Cruz.

Ayon kay Dizon, habang nasa motel ay nagkaroon sila ng pagtatalo ng biktima kaya dakong 2:00 ng hapon ay iniwan niya ito sa loob ng motel.

Matapos bantaang ibabala sa kanyon vs. China: PCG spox Tarriela, bumwelta kay Rep. Marcoleta

Makalipas ang ilang oras, sa pamamagitan ng text message ay nagkasundo silang magkikita ng 3:00 ng umaga kahapon sa Laguna Street, hanggang sa makarating sa kanya ang balitang natagpuan itong patay.

Sa CCTV footage ng Barangay 228 ay nakita ang isang hindi kilalang lalaki na nakasuot ng T-shirt, shorts at bull cap na posibleng pumatay kay Salvador. (Mary Ann Santiago)