SA pagtatapos ngayon ng liturgical year ng Simbahang Katoliko, ipinagdiriwang nito ang Kataimtiman ni Kristo, ang Hari ng Sansinukob, sa pagtanggap sa katotohanan na matutupad lamang ang lahat sa tulong ni Kristo na nagbibigay ng kalakasan at katapangan upang tumalima sa kalooban ng Ama. Paalala rin ito sa lahat ng Kristiyano na babalik muli si Kristo para tayo’y hatulan — ang nabubuhay maging ang mga yumao.

Sa pagbasa sa liturhiya ngayon, ipinapakita ang iba’t ibang uri ng paghahari. Sa ebanghelyo, ibinabalik tayo sa pagpapapako ni Hesus sa krus sa Bundok ng Kalbaryo nang siya ay kutyain ng isa sa mga magnanakaw na ipinako sa krus sa tabi niya, habang ang isa pa ay humingi ng kapatawaran sa mga kasalanan nito at nakiusap na alalahanin ito ni Hesus kapag nakarating na ang huli sa kanyang kaharian. Para kay Jesus, ang kaharian ng Diyos ay hindi tungkol sa paghahari sa mga nilikha o maghari na parang militar. Ang ideya ni Hesus ng paghahari ay ang pagiging mapagpakumbabang lingkod at tungkol sa pagkakaloob ng buong sarili para sa ibang tao. Para kay Hesus, ang paghahari ay tungkol sa pagiging tulay sa puwang na pumapagitan sa sangkatauhan at sa Diyos dahil sa kasalanan. Kaya naman ang mensahe ngayon sa Ikalawang Pagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Colosas: “At sa pamamagitan niya ay ipakikipagkasundo sa kanya ang lahat ng bagay, na pinapayapa niya sa pamamagitan ng dugo sa kanyang krus. (Col. 1:20)”

Maraming Katoliko ang nasanay na makita ang imahen ni Jesus na may hawak na scepter at nakasuot ng damit ng maharlika, ang ulo ay napuputungan ng korona. Ang ganitong imahe ng Kristong Hari ay isang paraan para magbigay-galang kay Hesus, na kinikilala nating Diyos at namamayani sa ating buhay. Gayunman, sinasabi ng ating pagbasa na si Hesus na nasa krus, na nagdusa para sa sangkatauhan at ang una sa iba at sa lahat ng nilikha, ay ang pinakamagandang imahe para sa selebrasyon ngayong araw. Sa kanyang pagdurusa at kamatayan, natamo ang kabuuang kapangyarihan ng pagmamahal ng Diyos. Ang kabuuang kahabagan at malasakit ng Diyos ay ibinunyag sa unang Biyernes Santo. Ano pa nga ba ang mas magiging makapangyarihan sa pagmamahal ng Diyos na ipinakita niya sa kanyang sakripisyo sa krus?

Ngayon, sa pagdiriwang natin ng Linggo para sa Kristong Hari, tayo ay muling iniimbitahan para muling tingnan si Hesus na ipinako sa krus. Tinitingnan natin si Hesus hindi para maawa kundi para papurihan at pasalamatan siya para sa pagpapamalas kung gaano tayo kamahal ng Ama — ibinigay si Hesus ng Ama, ang kanyang tanging Anak, para tayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. Tinitingnan natin ang krus at pinapupurihan ang Diyos para sa Kanyang awa at malasakit sa lahat ng tao. Tinitingnan natin ang krus para makakuha ng inspirasyon para sumunod kay Hesus, sa Kanyang kababaang-loob at pagmamahal, lalo na sa mahihina at walang kapangyarihan.

Sa krus, hindi nanatili ang kawalan ng kapangyarihan at tulong para kay Hesus. Naging kaganapan ng Kanyang pagpapapako sa krus ang pagkakaloob Niya ng sarili upang maisakatuparan ang kabuuan ng pagmamahal at kahabagan ng Diyos. Sa pag-aalay Niya ng Kanyang buhay sa Diyos ay napagtagumpayan Niya ang kamatayan at pagkakasala.