VILLASIS, Pangasinan – Sadyang mapanganib sa kalusugan ang sigarilyo subalit nadagdagan pa ang peligro sa pamemeke umano rito ng ilang dayuhan, matapos na salakayin ang sinasabing pagawaan ng pekeng sigarilyo sa Barangay Unzad sa bayang ito, at madakip ang 24 na Chinese.
Pansamantalang nakadetine ngayon ang 24 na Chinese sa himpilan ng Bureau of Immigration (BI)-Region 1 sa La Union habang iniimbestigahan.
Ayon kay Supt. Jackie Candelario, tagapagsalita ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO), mismong mga operatiba ng Bureau of Customs (BoC) at BI ang nagsagawa ng raid, habang tumulong naman sa perimeter security ang Pangasinan PPO at Villasis Police.
Sa bisa ng pagpapatupad ng search warrant sa apat na bodega nitong Biyernes ng umaga ay nadiskubre umano ang mga equipment at apparatus sa paggawa ng mga pekeng sigarilyo, gayundin ang karton-karton ng iba’t ibang brand ng sigarilyo at raw materials sa paggawa nito. (Liezle Basa Iñigo)