MAS may posibilidad na magkaroon ng physical o mental health problems ang matatangkad na kababaihan sa pagtuntong nila ng mid-70s kumpara sa maliliit na babae, ayon sa bagong pag-aaral. Gayunman, kaysa tanggapin ang kahihinatnan, may magagawa pa ang kababaihan para maiwasan ang negatibong epekto ng pagiging matangkad.
May ilang factors kabilang ang genetics at iba pang pangyayari na nagaganap sa unang bahagi ng buhay na nakakaimpluwesiya sa pagtangkad ng tao, saad ng mga researcher.
Nakita sa nakaraang pag-aaral na ang matatangkad na tao ay mas mababa ang posibilidad na magkaroon ng sakit sa puso, ngunit mas malaki ang panganib sa magkaroon ng cancer, saad ni Wenjie Ma, doctoral student sa epidemiology ng School of Public Health sa Harvard University at pangunahing awtor ng pag-aaral. Iprinisinta ni Ma ang resulta ng kanilang pag-aaral noong Martes sa taunang pagpupulong ng American Association’s Scientific Session.
Ngunit hindi alam ng mga researcher kung paano nakakaapekto ang tangkad ng kababaihan sa kabuuang kalusugan sa kanilang pagtanda, sabi ni Ma sa Live Science.
Sa pag-aaral, sinuri ng mga researcher ang datos ng mahigit sa 68,000 kababaihan na naka-enrol sa Nurses’ Health Study. Ini-record ang tangkad ng babae, pati na rin ang impormasyon sa kanilang BMI, smoking status, physical acitivity levels, and diets, noong 1980, noong ang kanilang karaniwang edad ay 44.
Nagpatuloy ang follow-up ng pag-aaral hanggang 2012, nang malaman ng mga researcher kung sino sa kababaihan ang pasok sa criteria na “healthy aging.” Ang “healthy ager” ay ang mga babae na walang napaulat na problema sa memorya, pisikal, walang mental health limitation at walang sakit tulad ng cancer, Type 2 diabetes at kidney failure.
Pinaghiwa-hiwalay ang kababaihan sa limang grupo base sa kanilang tangkad, ani Ma. Ang median height ng grupo ay 62 inches (157.5 cm), 63 inches (160 cm), 64 inches (162.6 cm), 66 inches (167.6 cm) at 68 inches (172.2 cm).
Kumpara sa grupo na may median height na 62 inches, ang mga babae na nasa 68-inch ay mas maliit ang tsansa na makapasa sa criteria ng healthy aging, ani Ma. Hindi nagbago ang resulta nang mag-adjust ang mga researcher ng mga factor tulad ng ethnicity, marriage status, menopause stats at history of disease ng pamilya.
Hindi tiyak kung bakit mas mababa ang posibilidad na hindi makaranas ng healthy aging ang matatangkad na babae. Ito ang dapat tingnan ng mga susunod na pag-aaral, ayon sa mga researcher.
Pero nang pag-aralan ng mga researcher ang lifestyle factors ng kababaihan katulad ng diet, napag-alaman na ang matatangkad na babae na napaulat na may healthy diet ay mas may magandang status kaysa mga hindi nag-diet. Sa madaling salita, nakabubuti ang pagkain ng healthy diet sa pagkakaugnay ng tangkad at unhealthy aging.
“The healthy diet that appeared to have a positive effect was rich in fruits, vegetables and whole grains,” ani Ma.
Sinabi naman ng mga researcher na nalaman sa pag-aaral ang pagkakaugnay ng dalawa, ngunit hindi napatunayan kung mayroong cause-and-effect relationship sa pagitan ng pagiging matangkad at pagranas ng mas maraming health problems sa pagtanda.
Mas marami pang pag-aaralan na dapat isagawa para makita kung ang resulta ay maaaring mai-apply sa ibang grupo ng tao, ayon sa mga researcher. Hindi pa nailalathala ang resulta ng pag-aaral sa peer-reviewed journal. (Live Science)